Y.A.K.A.P. ng Provincial Government of Palawan inihatid ni Gov. Amy Alvarez sa Bayan ng Sofronio Española; PCSDS Nakiisa

by | Dec 1, 2025

Nobyembre 19-21, 2025 – Kasama ang Provincial Government of Palawan, sa personal na pangunguna ni Governor Amy Roa Alvarez, ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ay nakilahok sa Yugto ng Alaga, Kalinga at Aruga ng Pamahalaan (Y.A.K.A.P.) program sa pamamagitan ng information, education and communication (IEC) campaign sa siyam na barangay sa Bayan ng Sofronio Española.

Inilunsad ang Y.A.K.A.P., at sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa, sa Bayan ng Sofronio Española na ginanap sa siyam na barangay sa loob ng tatlong araw; kaakibat ang mga IEC campaign na hatid ng Provincial Anti-Drug Abuse Program (PADAP) at ng PCSDS.

Ipinakilala ng PCSDS sa mga barangay ng Sofronio Española ang Palawan Biosphere Reserve at ang mahahalagang ginagampanan nito sa pagpapanatili ng maganda at malusog na kalikasan sa papamagitan ng environmental conservation, pagpapalago ng ekonomiya at kalagayan ng mga mamayan sa pamamagitan ng sustainable development o likas-kayang pag-unlad at pagkalap, paggawa at pamamahagi ng kaalaman patungkol sa unang dalawang nabanggit sa pamamagitan ng pagbibigay ng logistic support.

Kaugnay nito, nabigyang kaalaman ang mga kalahok sa IEC, lalo’t higit ang mga opisyal at staff ng barangay, patungkol sa Republic Act (RA) No. 7611 o Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan na nagtataglay ng mga plano, stratehiya, programa at alituntunin sa pangangalaga ng kalikasan at paggamit ng likas yaman ng Palawan Biosphere Reserve na ipinapatupad ng PCSD. 

Naipaalam din sa kanila ang mga mahalagang nilalaman ng RA No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act lalo ang mga pamamaran upang pangalagaan ang ating mga nanganganib na buhay-ilang at ang mga ipinagbabawal ng batas na may kaakibat na kaparusahan.

Naihatid rin sa mga barangay ng Sorfronio Española ang mga update patungkol sa West Philippines Sea at sa mga programa at aktibidad sa lugar na isinasagawa ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang PCSD at ibang pang mga kasapi ng Area Task Force West Philippines Sea at Inter-Agency Task Force – Kalayaan Island Group – Technical Working Committee, upang maipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas sa kaniyang teritoryo at masiguro ang karapatan ng bansa na ingatan at gamitin ang mga likas yaman sa loob ng Exclusive Economic Zone nito.

Sa paghahatid ng kaalaman ay hindi nakaligtaan ng PCSDS na kilalanin ang mga kababaihan at mga katuwang at kasapi nito sa pagtataguyod at pagpapalakas ng gender mainstreaming. Ilan sa mga ito ay sina Mama Ranger Angelique Songco ng Tubbataha, si dating Protected Area Superintendent (PASu) Beth Maclang ng Puerto Princesa Underground River, ang UNESCO National Commission of the Philippines (UNACOM) at Puerto Princesa City – Green Justice Zone (PPC – GJZ).

Ang Y.A.K.A.P ay naghatid rin ng mga sumusunod na serbisyo:

  • Konsultasyong medikal, kasama ang pagbubunot ng ngipin at pamamahagi ng gamot at bitamina, hatid ng Provincial Health Office (PHO) at Municipal Health Office (MHO);
  • Serbisyong beterinaryo, kasama ang pagbabakuna sa mga hayop laban sa Rabies, hatid ng Provincial Veterinary Office (PROVet);
  • Libreng tuli hatid ng Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC);
  • Libreng gupit hatid ng Philippine Marines;
  • Oryentasyon at aplikasyon para sa scholarship hatid ng PGP Scholarship;
  • Oryentasyon para sa paghingi ng medical assistance hatid ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO);
  • Konsultasyon at pamamahagi ng vegetable seeds hatid ng Provincial Agriculture Office (PAO);
  • Oryentasyon at aplikasyon sa Public Employment Services Office (PESO);
  • Pagrerehistro ng mga Civil Society Organization;
  • Serbisyong legal hatid ng PGP Legal Office;
  • Profiling at pagrerehistro ng mga senior citizen hatid ng PSWDO at MSWDO;
  • Aplikasyon para sa Birth Certificate at Marriage Contract ng Philippine Statistics Authority (PSA) hatid ng Municipal Civil Registrar’s Office (MCRO);
  • Oryentasyon at aplikasyon para sa scholarship hatid ng TESDA;
  • Pagpaparehistro sa Philhealth at Social Security System (SSS);
  • Oryentasyon sa mga programa ng PGP Community Affairs Division (CAD);
  • Oryentasyon at pamamahagi ng vegetable seeds hatid ng PGP Livelihood Project Management Unit;
  • Pagrerehistro sa JCA Progress Movement (JPM); at
  • Serbisyo ng AMY Action Center hatid ng Provincial Governor’s Office (PGO) Social Services.

Layunin ng programa na ihatid ang mga serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan at iba pang mga ahensya ng gobyerno sa mga mamamayan. Ayon kay Gov. Alvarez, na siya ring Chairperson ng PCSD, “hindi tao ang kailangang lumapit sa gobyerno; gobyerno ang dapat maglapit ng serbisyo sa mga tao.” 

Kabilang sa mga serbisyong ito ang pagbibigay kaalaman upang isulong ang pagmamahal sa ating probinsya, kasama ang Kalayaan Group of Islands at West Philippines Sea, sapagkat “Atin Ito.”

Sa pamamagitan ng programa ay nadama ng mga mamayan ng Sofronio Española ang mapagmahal at makakalikasang yakap ng Palawan: our biosphere, our home.