
Agad na rumisponde ang mga kawani ng PCSDS Rescue Team sa masukal na bahagi ng Provincial Motorpool Irawan, Puerto Princesa upang maisalba ang isang unggoy na nakita ng mga partisipante sa isinagawang Jungle Survival Training ng Probinsya ng Palawan. Nangyari ito mga alas dose ng tanghali, ika-29 ng Oktubre, taong kasalukuyan. Ayon sa panayam kay Mr. Ryan Turrico, isa sa mga nakakita, habang ang kanilang Team Bagsik ay sumasailalim sa Jungle Survival Training sa mangrove area ng Irawan, nakita nila ang nasabing unggoy at kaagad naman nila itong ipinaalam sa iba pa nilang mga kasamahan. Inalam nila ang pisikal na kalagayan ng unggoy at kanilang natukoy na ito ay may tama ng bala sa kanan nitong pigi. Dahil dito, napag desisyunan ng kanilang grupo na ito ay isalba at iturn-over sa PCSD upang ito ay mabigyan ng kaukulang pangangalaga. Pinangalanan nila ang unggoy bilang “Bagsik”.

Kaagad naman itong dinala ng PCSDS Rescue Team sa tanggapan ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) upang mabigyan ng paunang lunas.

Hinihimok ng PCSDS ang ating kababayan na nagkataong nakakita o nakahuli ng buhay ilang na mangyari po lamang na i-turn over sa aming tanggapan o hindi kaya ay tumawag sa aming hotlines sa pamamagitan ng mga numero ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) na 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM) o sa pamamagitan ng mga numero ng hotline ng PCSDS Front Desk na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ka ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para sa iyong mga alalahanin.