
Isang sugatang kuwago ang dinala sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) nitong Enero 12, 2026.
Ayon sa salaysay ng motoristang si Christian Cajilig, madaling araw siyang bumibiyahe sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension sa Lungsod Puerto Princesa nang bigla na lamang may ibong nahulog sa kaniyang braso habang siya ay nagmamaneho.
“Nagmomotor lang ako kaninang madaling araw, tapos may biglang bumagsak sa braso ko. Huminto ako agad para tingnan – nakita ko, isang kuwago na may sugat kaya hindi makalipad.” kuwento ni Christian.
Dahil dito, agad niyang dinala ang kuwago sa City Veterinary Office para sa paunang lunas. Matapos ang pagsusuri, inirekomenda na dalhin ang nasabing buhay-ilang sa PCSDS para sa karampatang pangangalaga.
Napag-alamang isang Brown Hawk-Owl o Bukaw ang buhay-ilang na ito. Kabilang na rin ito sa listahan ng Endangered Species o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos sa ilalim ng PCSD-Resolution No. 23-967.
Nagpapasalamat naman ang PCSDS sa kabutihang loob ni Christian sa pagsagip sa buhay ng kuwago. Hinihikayat din ang sinuman na makakita o makasagip ng buhay-ilang na agad makipag-ugnayan sa Wildlife Rescuer Team sa numerong 0931 964 2128 o 0965 662 0248, o magpadala ng mensahe sa PCSD Facebook Page para sa agarang tugon.


