Isang adult-size na Reticulated Python ang nahuli sa isang sabungan sa Bgy. San Jose, Puerto Princesa City nitong umaga ng Martes, Agosto 31.
Sinasabing ang nasabing sawa ay nakakain nang manok na panabong dahilan para mapansin ito ng mga tao roon, ayon kay Michael Ello, myembro ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) Enforcement Team.
Ayon pa sa ulat, papasok na sana ang sawa sa lungga nito pero di na ito magkasya dahil sa manok na kanyang nilunok, dahilan para mahuli ito ng mga tao roon.
Suspetsa nila, matagal nang namamalagi ang sawa sa lugar dahil sa laki nito na kumasya sa loob ng isang sako.
Bago magtanghali ay agad naman itong nai-turnover ng reporter ng Brigada News FM na si Martin Paul Henderson sa PCSD Enforcement Team.
Ayon kay PCSDS Wildlife Specialist Levita Lagrada, natural na tahanan nito ang masukal at mapunong lugar gaya na lamang ng lokasyon ng nasabing sabungan.
Aniya naakit ang sawa sa mga manok dahil likas sa kanila ang maghanap ng pagkain para mabuhay.
Sa ngayon, ang naturang sawa ay nasa pangangalaga nan g Palawan Wildlife Rescue and Rehabilation Center. – K.A.S. FABRO