Sanggol na Matsing na Naulila matapos umanong barilin ng mga Mangangaso ang Ina, nasa Pangangalaga na ng PCSDS

by | Oct 29, 2025

Isang sanggol na matsing o Philippine Long-tailed Macaque (Macaca fascicularis philippinensis), na pinangalanang “Pancho,” ang maayos na dinala sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) nitong araw ng Oktubre 28, bilang halimbawa ng pampublikong pakikiisa sa pagprotekta ng mga nanganganib nang buhay-ilang.

Kuwento ni Mark A. Abadiano, ang pagsagip kay Pancho ay nagsimula noong Setyembre 2, nang dumalo siya sa isang pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang lola sa San Jose, Roxas, Palawan. Sa gitna ng kasiyahan, dumating umano ang kaniyang mga tiyuhin mula sa isang talon habang mayroong bitbit na sugatang sanggol na matsing.

“Nakita po ng mga tiyuhin ko, binaril daw ng mga mangangaso ang nanay nito. Namatay po ‘yung ina,” saad ni Mark. “Nadamay po ang hintuturo ni Pancho dahil nakayakap na pala siya sa nanay niya nang mangyari ang pagbaril.”

Sa pangamba at awa, isinagawa ng kaniyang mga tiyuhin ang pagsagip sa sanggol na matsing at dinala ito sa kanilang tahanan. Nagkusang-loob si Mark na alagaan muna ito hanggang sa tuluyang gumaling at maging handa nang maibigay sa mga kinauukulan.

Nanatili si Pancho sa pangangalaga ng mag-partner na si Mark at Melalyn nang mahigit isang buwan. Araw-araw nila itong pinapainom ng gatas at inaruga na parang isa na ring miyembro ng kanilang pamilya. Ngunit nang ganap na itong nanumbalik sa kalusugan, napagpasiyahan na ng mag-partner na panahon na upang dalhin si Pancho sa PCSD para sa tamang pangangalaga upang makabalik pa ito sa natural nitong tirahan.

“Nakita ko na po kasi sa social media ang mga report ng turnover sa PCSD. Alam ko pong doon ang tamang lugar para sa kaniya, para makabalik na rin siya sa kaniyang habitat” paliwanag ni Mark. 

Ang Philippine Long-tailed Macaque ay katutubong uri ng matsing sa Pilipinas na may mahalagang papel sa kalikasan bilang tagapangalat ng mga buto sa kagubatan. Sa kasamaang-palad, kabilang na ito sa listahan ng mga Endangered Species, o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos alinsunod sa PCSD Resolution No. 23-967, bunsod ng patuloy na pagkawala ng tirahan, panghuhuli, at ilegal na kalakalan ng mga buhay-ilang.

Mariing paalala ng PCSDS sa publiko na bawal ang pag-aalaga, panghuhuli, at pagbebenta ng anumang uri ng wildlife nang walang kaukulang permit. Hinihikayat din ng ahensiya ang lahat na makipag-ugnayan agad sa kanilang Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128 /  0965 662 0248, at maaari ding magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng PCSD para sa agaran at tamang aksiyon.

Sa kuwento ni Pancho, naipakita nina Mark at Melalyn na sa kabila ng patuloy na pagsubok sa ugnayan ng tao at buhay-ilang, ang malasakit ay nananatiling pinakamabisang sandata para sa tunay na pangangalaga sa buhay at kalikasan.