



Enero 29–30, 2026 — Bilang bahagi ng pagpapabuti ng conservation plan ng Indo-Pacific crocodile sa katimugang bahagi ng Palawan, nagsagawa ang Palawan Council for Sustainable Development Staff – ECAN Education and Extension Division (PCSDS-EEED), kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Balabac, ng dalawang araw na community outreach sa iba’t ibang barangay ng munisipyo. Isinagawa ang aktibidad sa mga barangay Poblacion I-VI, Catagupan National High School, at Palawan State University – Balabac Campus.
Layunin ng outreach na magbigay ng kaalaman at mangalap ng impormasyon, input, at rekomendasyon mula sa komunidad tungkol sa mga insidente ng human-crocodile conflict (HCC). Nakatuon ang IEC campaign sa pagtalakay ng Batas Republika 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act), mga isyu ng HCC sa lugar, at mga hakbang ng PCSDS upang tugunan ito. Bukod dito, layunin ng outreach na magkaroon ng bukas na talakayan kung saan ang mga opisyal ng barangay at miyembro ng komunidad ay nakapagbigay ng suhestiyon tungkol sa pangangalaga ng kalikasan at kaligtasan ng mga tao laban sa panganib ng HCC.
Sa loob ng dalawang araw ay naiparating ng mga mamamayan ang mga sumusunod na suhestiyon:
- Bawasan ang sukat kung kailan pwedeng alisin ang buwaya sa isang lugar – mula sa minimum na 10ft ay gawin itong 5ft;
- Magkaroon ng crocodile detector o sonar para sa mga mangingisda o barangay;
- Ilipat ang mga buwaya mula sa mataong lugar papunta sa mga protected area at crocodile sanctuary; at
- Magkaroon ng open season para makontrol ang dami o populasyon ng mga buwaya sa lugar.
Sa pamamagitan ng ganitong aktibidad, layunin ng PCSDS na protektahan ang mga residente at itaguyod ang ikabubuti ng mga mamamayan sa pamamagitan ng sustainable na hakbang para sa mga buhay-ilang at kanilang natural na tahanan sa loob ng Palawan Biosphere Reserve.


























