PCSDS EEED at DMD – South, Patuloy na Ipinaigting ang Kamalayan sa Batas-Pangkalikasan at Pagpapalaganap ng Online Express Permitting sa bayan ng Narra, Palawan

by | Oct 13, 2025

NARRA, Palawan — Nagsagawa ng sama-samang aktibidad ang Kawanihan ng Sangguniang Palawan para sa Patuloy na Pag-unlad (PCSDS) kaakibat ang Lokal na Pamahalaan ng Barangay Panacan, Narra noong Oktubre 8, 2025. Ang nasabing programa ay pinangunahan ng ECAN Education and Extension Division (EEED) at District Management Division–South (DMD-South) ng PCSDS.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng komunidad at mga kawani ng barangay sa mahahalagang batas-pangkalikasan. Kabilang sa mga tinalakay ang Strategic Environmental Plan for Palawan Act (RA 7611), Palawan Biosphere Reserve, Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147), Anti-Rape Law (RA 8353), at Chainsaw Act (RA 9175). Samantala, tinalakay ng PCSDS DMD-South ang mga probisyon ng Administrative Order No. 5 na tumutukoy sa wastong pamamahala at pagsunod sa mga patakaran para sa pangangalaga ng likas na yaman ng lalawigan. Pinahapyawan din nila ang tungkol sa lunar season at ipinakita sa mga kalahok ang kalendaryong nagsasaad ng mga araw na ipinagbabawal ang pangingisda sa kanilang dalampasigan, mga panahong nangingitlog ang mga isda at kinakailangang bigyan ng sapat na panahon upang dumami at matiyak ang tuloy-tuloy na huli sa mga susunod na panahon.

Kasabay ng mga paliwanag, nagdaos din ang DMD-South ng ‘Online Express Permiting’ para sa mga mangingisda ng barangay. Ang serbisyong ito ay naglalayong gawing mas mabilis at maayos ang pagkuha ng mga permit, upang matiyak na ang kanilang hanapbuhay ay naaayon sa batas at nagsusulong ng sustainable na pamumuhay.

Mahalagang manatiling bukas ang bawat isa sa mga ganitong pagkakataon ng pagkatuto at pagtutulungan para sa kapakanan ng ating likas na yaman, isang hakbang na isinusulong ng PCSDS sa pagpapatupad ng mga layunin ng Palawan Biosphere Reserve tungo sa balanseng ugnayan ng tao at kalikasan.