Umabot sa 1,844 board feet ang kabuuan ng magkaibang tumpok-tumpok na kahoy ng Ipil ang nadiskubre ng Oplan Natutungan Team malapit sa isang (1) bodega na di-umano ay pagmamay-ari ng isang Alyas “Bonbon Bundal” sa Natutungan River, Sitio Natutungan, Quinlogan, Quezon Palawan.
Ayon sa sumbong ng isang concerned citizen, talamak umano ang ilegal na pagpuputol at pagbebenta ng kahoy ng Ipil sa nasabing lugar. Dahil dito, agad na isinagawa ang Oplan Natutungan nitong araw ng Sabado, ika-15 ng Oktubre, taong kasalukuyan simula 12:23 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. Kabilang sa operasyon ang PCSDS Enforcement Team sa pangunguna ni retired Lt. Col. Glenn B. Destriza, PCSDS-DMD South, S2, Marine Battalion Landing Team-4 (MBLT4), Barangay Kagawad sa katauhan ni Erodeto B. Magsipoc, DENR CENRO Quezon, Naval Intelligence Security Group West (NISG-W), at 2nd MSOU-Maritime Group.
Kinumpiska na ang mga nasabing kahoy at naiturn-over na ang mga ito sa DENR CENRO Quezon, Palawan.
Ipinaaalahanan ng PCSDS ang publiko na ang anumang labag sa batas at iligal na pagtataglay ng wildlife species, flora man or fauna, ay mahigpit na ipinagbabawal at may karampatang kaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Mariing pinapayuhan ng PCSDS ang sinuman na nakakaalam ng anumang iligal na aktibidad kaugnay ang wildlife species na agad na magbigay ulat o tumawag sa PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) hotline (TNT) 09319642128 at (TM) 09656620248, o sa PCSDS Front Desk hotline (Globe/TM) 0935-116-2336 at (Smart/TNT) 0948-937-2200. Maaari ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page.