NI EDUARDO CABRERA
Isinisulong ngayon ng isang grupo ng kabataan ang pangangalaga at pagprotekta sa isang species ng hayop na sa buong Pilipinas ay tanging sa Palawan lamang matatagpuan.
Ang Keep Otters in the Wild ay proyekto ng isang grupo ng mga kabataan na layuning itaas ang kamuwangan ukol sa Asian Small-clawed Otter (Aonyx cinereus).
Ito ay sa ilalim ng Young Southeast Asian Leaders Initiative (YSEALI) Sea and Earth Advocates (SEA) Camp ng non-profit organization na Save Philippine Seas, at ng U.S. Embassy-Manila, ayon sa nagpasimula ng proyekto na si Jenevieve Hara, isa sa 25 kabataan na partisipante ng YSEALI SEA Camp na ginanap noong ika-6 hangang 12 ng Hunyo taong kasalukuyan sa Boracay Island, Aklan.
Ayon sa mga siyentipikong pag-aaral, ang Asian Small-clawed Otter ay ang pinakamaliit sa 13 otter species sa buong mundo. Ito ay isang uri ng mammal at ang pangunahing kinakain nito ay ang mga alimasag, kuhol at iba pang molusko, insekto at maliliit na isda na matatagpuan sa kabakawanan at ng ilog.
Base sa Red List of Threatened Species ng International Union for Conservation of Nature, ang Asian Small-clawed Otter o kilala rin sa tawag na “Dungon” at “Pangkat-pangkatan,” ay nakakategorya bilang Vulnerable o kasama na sa mga nanganganib na maglaho kapag hindi pinrotektahan mula sa mga nakaambang banta rito, gaya ng pagkasira ng kanilang tahanan.
Sa datos ng PCSDS, ang mga nakukumpiska o narereskyung Dungon mula sa posesyon ng mga wildlife traffickers ay nasa bayan ng Quezon at Aborlan sa katimugang Palawan. Kaya naman nitong Agosto 31 ay nagsagawa ang naturang grupo ng information, education and communication (IEC) campaign sa dalawang eskwelahan sa Aborlan, partikular sa Aborlan National High School and Western Philippines University- Agricultural High School.
Layunin ng naturang IEC na pataasin ang kaalaman ng mga komunidad ukol sa kahalagan ng pangangalaga sa wildlife species na ito. Ang educational materials kagaya ng infographic at comic strip ay pinagtulung-tulungang idebelop ng mga volunteers.
Katuwang sa proyektong ito ang WPU, Palawan Otter Project – LAMAVE, Centre for Sustainability at Palawan Council for Sustainable Development.