Online Express Permitting para sa Mangingisda ng Rizal at Edukasyong Pangkalikasan para sa Mag-aaral, Sanib-Puwersang Pinangunahan ng PCSDS EEED at DMD-South

by | Oct 1, 2025

Dr. Jose P. Rizal, Palawan — Nagsagawa ng Impormasyon Edukasyon at Komunikasyon (IEC) na aktibidad at Online Express Permitting ang Kawanihan ng Sangguniang Palawan para sa Patuloy na Pag-unlad o Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa pamamagitan ng ECAN Education and Extension Division (EEED) at District Management Division–South (DMD-South) noong Setyembre 30, 2025, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Rizal, Palawan.

Tinalakay sa sesyon ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) na ipinaliwanag ni Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Anthony Cleve, Executive Order No. 14 na iprinisenta ni Sangguniang Bayan (SB) Member Arvin Fuentes, at iba pang mahahalagang batas at patakaran gaya ng Strategic Environmental Plan for Palawan Act (RA 7611), Palawan Biosphere Reserve, Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147), Safe Spaces Act (RA 11313), at Chainsaw Act (RA 9175) na tinalakay ng PCSDS-EEED. Inilahad naman ng PCSDS DMD-South ang Administrative Orders No. 12 at No. 5 na nakatuon sa pagpapatupad ng environmental compliance at maayos na pamamahala ng likas-yaman.

Kasabay nito, pinangunahan ng DMD-South ang Online Express Permitting para sa mga mangingisda, na nagpadali ng proseso ng aplikasyon at pagsunod sa regulasyon upang matiyak na ang kanilang kabuhayan ay parehong legal at sustainable.

Ang sama-samang hakbang na ito ay isang masusing paraan, kung saan ang pagbibigay-kaalaman sa komunidad ay sinasabayan ng serbisyo na direktang tumutulong upang ang kaalaman ay maisabuhay at maging kongkretong hakbang para sa pangmatagalang pangangalaga sa kalikasan.