



PUERTO PRINCESA CITY — Isang Crested Serpent Eagle (Spilornis cheela) ang ligtas na nai-turn over sa Palawan Council for Sustainable Development Staff–Wildlife Enforcement Office (PCSDS-WEO) noong Setyembre 22, 2026, matapos matagpuan sa damuhan habang isinasagawa ang highway clearing operation sa Purok Bagong Sikat, Barangay Tagburos, Puerto Princesa City.
Ayon sa ulat, isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang unang nakakita sa ibon sa damuhan habang nagsasagawa ng highway clearing sa lugar. Matapos itong makuha, kalauna’y ini-turn over ang ibon sa isang barangay kagawad, na siya namang naghatid nito sa PCSDS Main Office para sa kaukulang pagresponde.
Sa paunang pagsusuri, tinatayang nasa 600 gramo ang bigat ng ibon at kapansin-pansing mahina at payat ang kondisyon nito. Agad itong dinala sa Operations Center (OPCEN) sa Irawan para sa pansamantalang pangangalaga.
Nakatakdang ilipat ang agila sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) para sa mas masusing medical evaluation at rehabilitation bilang paghahanda bago ang posibleng pagpapakawala nito sa likas na tirahan.
TANDAAN: Ang mga buhay-ilang ay nararapat manatili sa kanilang likas na tirahan. Hinihikayat ang publiko na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang buhay-ilang na sugatan, nanghihina, o nangangailangan ng agarang tulong upang mabigyan ito ng wastong pagresponde at pangangalaga. Para sa agarang pag-uulat at koordinasyon, maaaring makipag-ugnayan sa:
PCSDS Enforcement Hotline
Smart / Sun: 09319642128
Globe: 09169646919
Landline: (048) 726-6627




