Musang, Natagpuan sa Kisame ng Opisina sa Brgy. Bagong Sikat, Dinala sa PCSDS

by | Nov 25, 2025

Isang adult Asian Palm Civet (𝘗𝘢𝘳𝘢𝘥𝘰𝘹𝘶𝘳𝘶𝘴 𝘩𝘦𝘳𝘮𝘢𝘱𝘩𝘳𝘰𝘥𝘪𝘵𝘶𝘴), na kilala sa lokal na tawag na musang o pasla, ang matagumpay na naidala ng dalawang concerned citizen sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ngayong araw, Nobyembre 25, 2025.

Ayon kay G. Christian Peralta, isa sa mga nagdala ng buhay-ilang, natagpuan nila ito kahapon, Nobyembre 24, 2025, bandang 10:00 ng umaga, sa opisinang kanilang pinagtatrabahuhan sa Barangay Bagong Sikat, lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon pa sa mga concerned citizen, natuklasan lamang nila ang presensiya ng musang nang mapansin nilang may kakaibang amoy na nagmumula sa kanilang kisame. Nang kanilang silipin ito, doon na nila nakita ang buhay-ilang.

“Umihi po siya sa kisame namin, nangangamoy na. Kaya binuksan namin ang kisame, at doon na namin siya nakita [ang musang],” ang paliwanag ng kasama ni Peralta.

Ang amoy ng ihi ng musang ang naging hudyat upang ito ay madiskubre at mahuli nang ligtas, kaya’t nagawa nilang dalhin sa nararapat na ahensiya.

Bagama’t nakalista bilang “Least Concern” sa IUCN Red List of Threatened Species, ipinunto ng PCSDS na ang Asian Palm Civet ay may mahalagang papel bilang seed disperser sa kagubatan, lalo na para sa mga punong namumunga.                                           

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng PCSDS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pag-aalaga, at pagbebenta ng anumang buhay-ilang nang walang kaukulang permit, alinsunod sa batas. Hinihikayat rin ang sinuman na makakita o makasagip ng buhay-ilang na nasa panganib na agad na makipag-ugnayan sa Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128 o 0965 662 0248, o magpadala ng mensahe sa PCSD Facebook Page para sa agarang tugon.