Sa pagbisita ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at mga katuwang na ahensya nito sa mga barangay sa Balabac na apektado ng pag-atake ng buwaya, ibinahagi ng mga residente na hirap silang iwasan ang mga insidente sa buwaya dahil sa kakulangan ng mga alternatibong hanapbuhay, tulay sa mga ilog, at patubig sa mga kabahayan.
Simula taong 2000 hanggang kasalukuyan, 32 na insidente ng pag-atake ng buwaya ang naitala sa bansa at 17 nito ay nangyari sa Balabac.
Nakaraang Oktobre 28 hanggang 30, binisita ng mga eskperto sa buwaya mula sa PCSDS, DENR-Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), at Crocodylus Porosus Inc. (CPPI), ang Brgy. Indalawan, Catagupan, Salang, Poblacion 5, at Ramos, sa tulong ng pamahalaan ng mga Barangay at Munisipyo ng Balabac, Municipal PNP, Palawan Maritime Police 2nd SOU pati ang istasyon nito sa Balabac.
Binigyang diin dito ng mga eksperto ang mga paraan at paalala upang maiwasan ang pag-atake ng buwaya, gaya ng paglayo sa tabing ilog o pampang lalong lalo na sa gabi kung saan aktibo ang mga buwaya.
Ibinahagi naman ng mga residente at ilan sa kanilang mga kapitan ang kanilang mga hinaing kung bakit hirap silang umiwas sa mga insidente sa buwaya.
Ayon sa mga residente ng Brgy. Indalawan, bagamat takot sila lalo na’t noong Setyembre lamang ay namatay ang isang binatilyo sa kanilang lugar dahil sa pag-atake ng buwaya, ay patuloy pa rin silang pumupunta sa ilog upang maglaba at maligo dahil sa kakulangan ng patubig sa mga kabahayan. Kinakailangan din daw nila ng mga tulay sa mga ilog sa tuwing sila’y pupunta sa bayan o sa eskwelahan.
Ibinahagi naman ng ilang mangingisda sa Brgy. Catagupan, kung saan isang batang babae ang namatay taong 2017 dahil din sa pag-atake ng buwaya, na hirap silang iwasan ang pangingisda sa gabi dulot ng pangangailangan.
Dagdag pa ng isang mangingisda “Yung iba ay may lupa naman po, pero walang kakayahan at puhunan sa basakan. Kailangan ng irrigation. Yung iba ang kaya lang ay seaweed farming.”
Sa Barangay Salang, aminado naman ang mga lokal na apekatado na rin ang kanilang pinagkakakitaan dahil sa takot sa buwaya, lalo na at ngayong buwan lamang ay namatay ang isang binata dahil sa pag-atake ng buwaya.
“Wala nang nag-aalimango sa gabi dahil takot sa buwaya. Hindi na kami makalaot sa gabi kasi gabi-gabing dumadaan ang buwaya,” bahagi ng isa sa mga mangingisda sa Salang.
10-year Action Plan
Nakaraang Abril, pinangunahan ng PCSDS ang pagtipon ng mga pinuno sa mga Barangay at Munisipyo ng Balabac at mga representante ng mga guro, mangingisda, at katutubo upang bumuo ng 10-Year Action Plan na sagot sa problema sa buwaya.
Nakasaad sa planong ito na “Sa taong 2029 ang mamamayan ng Balabac at ang mga buwaya ay mamumuhay ng payapa sa iisang lugar na mayroong mayabong at masaganang likas na yaman.”
Sa pagpaplano ng nasabing action plan, ibinahagi ng mga dumalo ang mga maaaring sanhi ng pag-atake ng buwaya. Kabilang na rito ang pagkasira ng bakawan, pag-aalaga ng kahuyupan sa tabing ilog o pampang, at ang pagtapon ng tirang pagkain at hinugas sa dagat o ilog.
Nakapaloob sa planong ito ang mga pangmabilisan at pangmatagalang tugon na pagtutulungan ng iba’t ibang pampubliko at pribadong ahensya upang maresolba ang problema sa buwaya.
Ilan sa mga aksyong ito ay ang rehabilitasyon ng mga bakawan, istriktong pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, at pagbuo ng mga alternatibong hanapbuhay gaya ng turismo.
Nakaraang Lunes (Ika-28 ng Oktubre), ipinresenta ng PCSDS sa Sangguniang Bayan ng Balabac ang kabuuan ng nasabing plano.
Halaga ng Buwaya para sa Masagang Ani
Base sa datos, ang Balabac ang may pinakamalawak na bakawan sa Palawan at isa sa mga may pinakamalaking populasyon ng saltwater crocodile sa bansa.
Sinasabi ng mga eksperto mula sa CPPI na ang presensya ng buwaya ay nangangahulugan na ang isang lugar ay malusog na sangtuario ng mga isda.
“Ang mga buwaya ay mga malalaking nilalalang na siyang nag-aararo ng lupa sa ilog at pampang. Ang kanilang paggalaw sa lupa ay nagiging sanhi ng pag-akyat ng mga nutrients na kinakain ng maliliit na mga organismo na siyang pagkain ng mga isda,” paliwanag ni Jake Binaday ng CPPI.
Pinaalala rin niya na ang walang pahintulot na pagpatay o pagtanggal ng buwaya sa natural na tahanan nito ay maaaring maging rason para sa mga natitirang buwaya sa lugar na magpalaki ng territoryo at lumaki sa sukat na kayang umatake ng tao.
Sa nagdaang tatlong buwan, limang buwaya na ang di umanoy “binungbong” at namatay sa iba’t ibang parte ng Balabac bunga ng galit at paghihiganti para sa mga naging biktima ng pag-atake.