QUEZON, PALAWAN — Ipinakita ng mga mamamayan ng Barangay Quinlogan at mga kinatawan mula sa mga barangay ng Calumpang, Malatgao, Sowangan, at Tagusao ang kanilang pakikiisa sa pangangalaga ng kapaligiran sa pamamagitan ng aktibong pagdalo sa isinagawang Information, Education, and Communication (IEC) activity ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).

Bago isinagawa ang IEC sa hapon, nagsagawa muna ang District Management Division – South (DMD-South) ng ECAN Map Updating sa umaga. Layunin ng aktibidad na ito na makuha ang pinakabagong datos at impormasyon hinggil sa mga pagbabago sa paggamit ng lupa, kabundukan, at karagatan ng Quezon upang mas mapaigting ang implementasyon ng Environmentally Critical Areas Network (ECAN) Zoning sa munisipyo. Ang mga input mula sa mga barangay ay nagsilbing mahalagang sangkap sa pagpapaigting ng lokal na pamamahala sa kalikasan at sa pagtataguyod ng balanseng ugnayan ng tao at kalikasan, isang pundasyon ng sustainable development sa Palawan.

Sa ginanap namang IEC Activity sa hapon, tinalakay ng PCSDS – ECAN Education and Extension  Division (EEED) ang mga batas na may kinalaman sa pangangalaga ng kapaligiran, kabilang ang Republic Act 7611 o Strategic Environmental Plan for Palawan Act, Palawan Biosphere Reserve, RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, RA 11313 o Safe Spaces Act, at RA 9175 o Chainsaw Act.

Sa naturang gawain, naging masigla ang talakayan dahil sa dami ng katanungan ng mga kalahok, partikular hinggil sa paggamit ng chainsaw at sa pangangalaga ng mga buhay-ilang. Ang mga ito ay maayos na nasagot ng mga kinatawan ng PCSDS, na nagbigay-linaw sa ilang maling akala at nagpatibay ng pang-unawa ng mga mamamayan hinggil sa tamang paggamit ng likas na yaman ng Palawan.

Ang pakikilahok ng mga taga-Quezon ay hindi lamang nagpalawak ng kanilang kamalayan sa pangangalaga ng kapaligiran kundi nagpatibay rin ng kanilang papel bilang katuwang sa pagtataguyod ng likas-kayang pag-unlad. Sa pamamagitan ng mga aktibidad tulad ng ECAN Map Updating at IEC, patuloy na isinusulong ng PCSDS ang adbokasiya ng sustainable development — isang probinsya na maunlad, habang may malasakit sa kalikasan.