Matagumpay na naisagawa ang pagsagip at pag-turnover ng isang Palawan Palm Civet Cat o mas kilala bilang Musang matapos itong matagpuang ligaw sa isang residential area sa Employees Village, Barangay San Jose, Lungsod Puerto Princesa.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Palawan Council for Sustainable Development Staff – Wildlife Rescuer Team (PCSDS-WRT) katuwang ang Enforcement Section hinggil sa presensiya ng wildlife specimen sa loob ng isang tahanan. Natagpuan ang musang na nagtatago sa ilalim ng kusina ng isang residente, na ikinabahala ng mga nakatira sa bahay lalo na ang mga bata.

Dahil sa pangamba ng pamilya at kapakanan ng buhay-ilang, nagawa umanong hulihin ang musang nina Ariel Delgado katuwang ang kaniyang partner na si Junifer Dumial gamit ang isang lambat. Agad naman nilang ipinaalam ang insidente kay Elsa Ombao, na tumulong sa pakikipag-ugnayan sa komunidad at sa PCSDS-WRT para sa tamang pagsagip at pag-turnover nito.

Sa pagresponde ng PCSDS-WRT, isinagawa ni Wildlife Rescuer Harry Gacayan ang paunang pagsusuri sa buhay-ilang at napag-alamang ito ay alerto, aktibo, at walang nakikitang panlabas na pinsala. Matapos ang pagsusuri, inilagay ang musang sa isang espesyal na wildlife transport carrier upang mabawasan ang stress at matiyak ang ligtas na pagbiyahe.

Matapos ang turnover, agad na dinala ang musang sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) sa Barangay Irawan, kung saan ito ay sasailalim sa masusing health monitoring, rehabilitasyon, at paghahanda para sa posibleng pagbabalik sa natural nitong tirahan.

Bagaman nakatala bilang “Least Concern” sa IUCN Red List of Threatened Species, binigyang-diin ng PCSDS na mahalaga ang papel ng Palawan Palm Civet sa ekosistema ng kagubatan, partikular bilang tagapagkalat ng mga binhi ng mga punong namumunga.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng PCSDS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pag-aalaga, at pagbebenta ng anumang uri ng buhay-ilang nang walang kaukulang permit, alinsunod sa umiiral na Batas Republika Blg. 9147, o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Hinihikayat din ang sinumang makakita o makasagip ng buhay-ilang na nasa panganib na agad makipag-ugnayan sa PCSDS-WRT sa mga numerong 0931 964 2128 o 0965 662 0248, o magpadala ng mensahe sa opisyal na PCSD Facebook Page para sa agarang aksiyon.