Kabataan at Komunidad sa Quezon, naging Sentro ng IEC Campaign at SEP Roadshow ng PCSDS sa Pagdiriwang ng 34th SEP Anniversary

by | Jun 25, 2026

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-34 na anibersaryo ng Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan Act, nagsagawa ang ECAN Education and Extension Division (EEED) ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ng serye ng Information, Education, and Communication (IEC) Campaign at SEP Roadshow sa bayan ng Quezon, Palawan noong Hunyo 17 hanggang 19, 2026.

Isinagawa ang IEC Campaign sa tatlong barangay ng Quezon—Quinlogan, Sowangan, at Panitian—na naglalayong palawakin ang kaalaman at kamalayan ng mga komunidad hinggil sa mahahalagang batas at programang pangkalikasan na ipinatutupad sa Palawan.

Sa mga nasabing aktibidad, nagbahagi ang PCSDS-EEED ng mga talakayan tungkol sa Gender and Development (GAD), ang Strategic Environmental Plan for Palawan Act o Republic Act No. 7611, ang Palawan Biosphere Reserve, ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act o Republic Act No. 9147, ang Ecological Solid Waste Management Act o Republic Act No. 9003, at ang Chainsaw Act o Republic Act No. 9175.

Layunin ng kampanya na hikayatin ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pangangalaga sa kalikasan at pagtibayin ang kanilang papel bilang katuwang sa pagsusulong ng napapanatiling kaunlaran sa lalawigan ng Palawan.

Samantala, sa hapon ng Hunyo 17 at 18, nagsagawa rin ang PCSDS-EEED ng SEP Roadshow sa Panitian National High School at Quezon National High School. Dinaluhan ito ng mga mag-aaral na nabigyan ng pagkakataong mapanood ang dokumentaryong Fragile Frontier, na naglalahad ng kasalukuyang kalagayan ng kagubatan ng Palawan at ang mga hamong dulot ng deforestation at iba pang gawaing nakaaapekto sa likas na yaman ng lalawigan.

Bukod dito, nagbahagi rin ang PCSDS-EEED ng mga lektura tungkol sa kahalagahan ng West Philippine Sea at sa RA 9147, upang higit na maunawaan ng kabataan ang kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat at mga buhay-ilang.

Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, patuloy na pinatitibay ng PCSDS ang adbokasiya nito na maabot ang iba’t ibang komunidad at kabataan sa Palawan upang mapaigting ang kamalayan, pakikilahok, at sama-samang pagkilos tungo sa pangangalaga sa kalikasan at pagsusulong ng napapanatiling pag-unlad.

Ang pagdiriwang ng ika-34 na anibersaryo ng SEP ay hindi lamang paggunita sa isang mahalagang batas, kundi isang paalala na ang bawat Palaweño ay may mahalagang papel sa pagprotekta sa natatanging likas na yaman ng Palawan para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.