Isang Sugatang Sawa, Ibinigay sa Pangangalaga ng PCSDS

by | Jan 10, 2023

Isang sugatang Sawa o Reticulated Python (Malayopython reticulatus) ang ibinigay sa pangangalaga ng PCSDS hapon ng ika-9 ng Enero, taong kasalukuyan. Ito ay dinala ng grupo mula sa PNP Maritime Group 2nd SOU sa pangunguna ni Michael Angelo Hara. Ayon sa pahayag ni Hara, isang concerned citizen mula sa Honda Bay ang nag turn over nito sa kanilang headquarters. Ayon sa salaysay ng concerned citizen na kinilala bilang si “Justin”, ang nasabing sawa ay nakapasok sa kanilang tirahan noong parehong araw. Dahil sa takot, hinuli nila ito at agad na dinala sa malapit na headquarters ng PNP Maritime Group 2nd SOU.

Ang nasabing sawa ay may bigat na 1.37 kilograms at haba ng 185 centimeters. Samantala, dinala naman ito sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) upang masuri ng veterinarian at para sa patuloy na paggaling nito. 

Ang Reticulated Python ay nakatalang “Endangered” species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 15-521.

Hinihimok ng PCSDS ang ating kababayan na nagkataong nakakita o nakahuli ng buhay ilang na mangyari po lamang na i-turn over sa aming tanggapan o hindi kaya ay tumawag sa aming hotlines sa pamamagitan ng mga numero ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) na 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM) o sa pamamagitan ng mga numero ng hotline ng PCSDS Front Desk na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ka ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para sa iyong mga alalahanin.