


Dinala noong Martes, Oktubre 15, 2024, ng isang nagmamalasakit na mamamayan, si G. Pedro B. Grapan Jr., residente ng Honda Bay, Brgy. Sta. Lourdes, ang isang endangered species na Southeast Asian Box Turtle box sa PNP Maritime Group 2nd Special Operation Unit. Ayon kay PCIpl Glendon G. Domingo, nakita ito ni G. Grapan sa kanilang bakuran, kung saan hinahabol umano ito ng aso, kaya agad nila itong dinala sa istasyon ng Honda Bay ng PNP Maritime Group.
“Siguro hindi nila alam kung paano ito dalhin… kaya idiniretso na lang sa amin,” ani PCIpl Glendon.
Ayon pa kay PCIpl Glendon, nais sana ng concerned citizen na sila na ang mag-release ng pagong, ngunit hindi nila alam kung saan ito pakakawalan. Mahalagang madala ang mga ganitong uri ng buhay-ilang dahil kabilang na ito sa listahan ng PCSD Resolution No. 23-967 bilang ‘Endangered Species’ o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos.
Sakaling may makita o mahuling buhay-ilang, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa Wildlife Enforcement Unit (WEU) at Wildlife Rescue Team ng PCSDS sa numerong 09319642128 (TNT) o 09656620248 (TM) para sa agaran at tamang aksyon. Maaari ding magpadala ng mensahe sa Facebook page ng PCSD para sa iba pang mga alalahanin.