Isang Risso’s Dolphin Pumanaw sa Kabila ng Matagumpay na Rescue

by | Jan 13, 2026

Magkakatuwang na sinikap sagipin ng PCSDS, lokal na awtoridad, mga eksperto mula sa Community Centred Conservation Philippines (C3 Philippines) at Large Marine Vertebrates (LAMAVE), pati na rin ng mga residente, ang isang Risso’s Dolphin (Grampus griseus) na napadpad sa Sitio Sto. Niño, Barangay Apurawan, Aborlan mula ika-8 hanggang ika-10 ng Enero. 

Matapos matanggap ang ulat noong umaga ng Enero 8, agad na rumesponde ang rescue team at natuklasang ang dolphin ay labis na mahina at may mga sugat na hinihinalang dulot ng pag-atake ng maninila o predator. Bagama’t sinubukang ibalik sa dagat, paulit-ulit itong bumabalik sa pampang—na ayon kay Dr. Alessandro Ponzo, beterinaryo ng LAMAVE, ay palatandaan ng malubhang karamdaman. 

Sa loob ng mahigit dalawang araw, isinailalim ang dolphin sa 24-oras na pagbabantay at pangangalaga sa tulong ng mga wildlife experts at ng komunidad. Gayunman, dahil sa masamang kondisyon ng dagat at patuloy na paghina ng nasabing wildlife, hindi agad naisagawa ang planong pagbabalik nito sa kaniyang natural na tirahan. 

Noong umaga ng Enero 10, bandang alas-9:50 ng umaga, tuluyang binawian ng buhay ang dolphin. Sa isinagawang necropsy procedures, at ayon kay Dr. Ponzo, natuklasan na ang dolphin ay labis na payat at may malubhang impeksyon sa baga, na nagpapatunay na matagal na nitong iniinda ang karamdaman bago pa man ito napadpad sa baybayin. 

Ang Risso’s Dolphin ay kabilang sa listahan ng Endangered Species, o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos, sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967. 

Bagama’t hindi naging matagumpay ang pagbabalik-dagat, ang 72-oras na rescue operation ay nagsilbing patunay ng malasakit at sama-samang pagkilos para sa pangangalaga ng buhay-ilang sa Palawan. 

📞 PCSDS Enforcement 

Team Central – 09513208791 

South – 09169546919 

North – 09125753527 

Calamian – 09076605619