Isang Balintong Nailigtas sa Tulong ng mga Residente ng Brgy. Sicsican, Puerto Princesa

by | Oct 14, 2026

Sa tulong ng mga residente ng Gorospe Homeowners Association sa Brgy. Sicsican, Puerto Princesa City ay nasa mabuting kalagayan at inihahanda na upang ibalik sa natural na tirahan ang isang balintong/Palawan pangolin (Manis culionensis), matapos itong mai-turn over sa mga Wildlife Enforcement Officer (WEO) ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) noong Setyembre 30, 2026.

Alas-10 ng umaga ng nasabing araw nang mamataan nina Edward Orozco at Jocelyn Villano ang balintong sa isang masukal na bahagi ng kanilang lugar. Hinihinalang ang lugar ay nakitang mainam na panirahan ng balintong dahil sa mga halaman at nabubulok na kahoy na matatagpuan dito.

Upang masiguro ang kaligtasan ng buhay-ilang ay pansamantala itong kinupkop ng mga nasabing residente at dinala sa Barangay Hall bandang alas-4 ng hapon upang mai-turn over sa PCSDS.

Agad namang rumesponde ang mga WEO at, sa tulong ng on-call veterinarian ng PCSDS na si Dr. Glenn Rebong, ay natukoy na nasa mabuting kalagayan ang balintong na may habang 81 cm at bigat na 1.8 kg. Sa kasalukuyan ay inihahanda na upang pakawalan sa ilang ang balintong.

Tulad nina Edward at Jocelyn ng Brgy. Sicsican, hinihikayat ang publiko na makiisa sa pangangalaga ng mga buhay-ilang. Masisiguro ang kaligtasan ng mga wildlife sa pamamagitan ng agarang pag-uulat at pakikipag-ugnayan sa PCSDS o iba pang kinauukulang awtoridad para sa pagsagip ng mga ito.

𝐏𝐂𝐒𝐃𝐒 𝐄𝐧𝐟𝐨𝐫𝐜𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭 𝐓𝐞𝐚𝐦 📱

Smart/Sun: 09319642128
Globe: 09169646919
Landline: (048) 726-6627