IPRA LAW AT BATAS SEP, IISA ANG LAYUNIN PARA SA PROTEKSYON SA KARAPATAN NG MGA KATUTUBO

by | May 14, 2014

Isinagawa ang isang seminar workshop ng mga kawani ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pinapangunahan ng National Executive Director nito na si Ms. Marlea Muñez kasama ang mga kawani ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) noong ika-12 hanggang ika-14 ng Mayo 2014.

Layunin ng aktibidad na ito na mailatag ang alituntunin ng NCIP at ang prosesong sinusunod upang makakuha ng Certification Precondition ang mga pampubliko at pribadong sector na nag-nanais na magtayo ng mga imprastraktura, magrenta ng lupain, magsagawa ng pagaaral at iba pang klase ng aktibidades sa isang lugar. Ang lahat ng ito ay nakahanay sa pagprotekta sa mga karapatan ng mga kababayan nating katutubo.

Sa paglatag na ito ng mga naturang alituntunin ay ninanais ang PCSD na panatilihing sumasang-ayon o tumutugma ang Batas SEP (Republic Act 7611) sa Indeigenous Peoples Rights Act (Republic Act 8371), sa pag-iisyu ng mga SEP Clearance.

Natalakay din sa naturang seminar ang buod ng IPRA Law, kung ano ang pinakalayunin nito at kung paano ito naitatag.

Ang IPRA LAW ay naisa-batas noong Oktubre 1997, ngunit bago pa man ito naisabatas, ang SEP Law na sumusulong sa Environmentally Critical Areas network o ECAN na naisa-batas noong June 1992, ay kinikilala na ang mga karapatan ng mga katutubo sa kanilang mga lupaing ninuno. Kasama na sila sa mga kosultasyon na dapat isaalang-alang bago pa man maisyuhan ng SEP Clearance and mga proponent na nagnanais na magtayo ng mga imprastraktura, magrenta ng lupain, magsagawa ng pagaaral at iba pang klase ng aktibidades sa lalawigan ng Palawan.