Sa pagbisita ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at mga katuwang na ahensya nito sa mga barangay sa Balabac na apektado ng pag-atake ng buwaya, ibinahagi ng mga residente na hirap silang iwasan ang mga insidente sa buwaya dahil sa kakulangan ng mga alternatibong hanapbuhay, tulay sa mga ilog, at patubig sa mga kabahayan.  

Simula taong 2000 hanggang kasalukuyan, 32 na insidente ng pag-atake ng buwaya ang naitala sa bansa at 17 nito ay nangyari sa Balabac.

Nakaraang Oktobre 28 hanggang 30, binisita ng mga eskperto sa buwaya mula sa PCSDS, DENR-Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), at Crocodylus Porosus Inc. (CPPI), ang Brgy. Indalawan, Catagupan, Salang, Poblacion 5, at Ramos, sa tulong ng pamahalaan ng mga Barangay at Munisipyo ng Balabac, Municipal PNP, Palawan Maritime Police 2nd SOU pati ang istasyon nito sa Balabac.

Binigyang diin dito ng mga eksperto ang mga paraan at paalala upang maiwasan ang pag-atake ng buwaya, gaya ng paglayo sa tabing ilog o pampang lalong lalo na sa gabi kung saan aktibo ang mga buwaya.

Ibinahagi naman ng mga residente at ilan sa kanilang mga kapitan ang kanilang mga hinaing kung bakit hirap silang umiwas sa mga insidente sa buwaya.

Ayon sa mga residente ng Brgy. Indalawan, bagamat takot sila lalo na’t noong Setyembre lamang ay namatay ang isang binatilyo sa kanilang lugar dahil sa pag-atake ng buwaya, ay patuloy pa rin silang pumupunta sa ilog upang maglaba at maligo dahil sa kakulangan ng patubig sa mga kabahayan. Kinakailangan din daw nila ng mga tulay sa mga ilog sa tuwing sila’y pupunta sa bayan o sa eskwelahan.

Ibinahagi naman ng ilang mangingisda sa Brgy. Catagupan, kung saan isang batang babae ang namatay taong 2017 dahil din sa pag-atake ng buwaya, na hirap silang iwasan ang pangingisda sa gabi dulot ng pangangailangan.

Dagdag pa ng isang mangingisda “Yung iba ay may lupa naman po, pero walang kakayahan at puhunan sa basakan. Kailangan ng irrigation. Yung iba ang kaya lang ay seaweed farming.”

Sa Barangay Salang, aminado naman ang mga lokal na apekatado na rin ang kanilang pinagkakakitaan dahil sa takot sa buwaya, lalo na at ngayong buwan lamang ay namatay ang isang binata dahil sa pag-atake ng buwaya.

“Wala nang nag-aalimango sa gabi dahil takot sa buwaya. Hindi na kami makalaot sa gabi kasi gabi-gabing dumadaan ang buwaya,” bahagi ng isa sa mga mangingisda sa Salang.

10-year Action Plan

Nakaraang Abril, pinangunahan ng PCSDS ang pagtipon ng mga pinuno sa mga Barangay at Munisipyo ng Balabac at mga representante ng mga guro, mangingisda, at katutubo upang bumuo ng 10-Year Action Plan na sagot sa problema sa buwaya.

Nakasaad sa planong ito na “Sa taong 2029 ang mamamayan ng Balabac at ang mga buwaya ay mamumuhay ng payapa sa iisang lugar na mayroong mayabong at masaganang likas na yaman.”

Sa pagpaplano ng nasabing action plan, ibinahagi ng mga dumalo ang mga maaaring sanhi ng pag-atake ng buwaya. Kabilang na rito ang pagkasira ng bakawan, pag-aalaga ng kahuyupan sa tabing ilog o pampang, at ang pagtapon ng tirang pagkain at hinugas sa dagat o ilog.

Nakapaloob sa planong ito ang mga pangmabilisan at pangmatagalang tugon na pagtutulungan ng iba’t ibang pampubliko at pribadong ahensya upang maresolba ang problema sa buwaya.

Ilan sa mga aksyong ito ay ang rehabilitasyon ng mga bakawan, istriktong pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, at pagbuo ng mga alternatibong hanapbuhay gaya ng turismo.

Nakaraang Lunes (Ika-28 ng Oktubre), ipinresenta ng PCSDS sa Sangguniang Bayan ng Balabac ang kabuuan ng nasabing plano.

Halaga ng Buwaya para sa Masagang Ani

Base sa datos, ang Balabac ang may pinakamalawak na bakawan sa Palawan at isa sa mga may pinakamalaking populasyon ng saltwater crocodile sa bansa.

Sinasabi ng mga eksperto mula sa CPPI na ang presensya ng buwaya ay nangangahulugan na ang isang lugar ay malusog na sangtuario ng mga isda.

 “Ang mga buwaya ay mga malalaking nilalalang na siyang nag-aararo ng lupa sa ilog at pampang. Ang kanilang paggalaw sa lupa ay nagiging sanhi ng pag-akyat ng mga nutrients na kinakain ng maliliit na mga organismo na siyang pagkain ng mga isda,” paliwanag ni Jake Binaday ng CPPI.

Pinaalala rin niya na ang walang pahintulot na pagpatay o pagtanggal ng buwaya sa natural na tahanan nito ay maaaring maging rason para sa mga natitirang buwaya sa lugar na magpalaki ng territoryo at lumaki sa sukat na kayang umatake ng tao.

Sa nagdaang tatlong buwan, limang buwaya na ang di umanoy “binungbong” at namatay sa iba’t ibang parte ng Balabac bunga ng galit at paghihiganti para sa mga naging biktima ng pag-atake.

Ibinabahagi ng pinuno ng grupo na si Levita Lagrada ng PCSDS sa mga apektadong barangay ang mga layunin at aksyon na nakapaloob sa 10-year Action Plan para sa problema sa buwaya. Ang planong ito na naglalayong mamuhay nang payapa ang mga tao at buwaya sa taong 2029 ay isinagawa ng mga representate ng mga stakeholders ng Balabac, sa tulong ng mga eksperto, nitong nagdaang Abril. Nakaraang Lunes (Ika-28 ng Oktubre) ay ipinresenta ni Lagrada ang nasabing plano sa Sangguniang Bayan ng Balabac.
IMINUNGKAHING PAGPUPULONG: Isa si Hector (lalaki sa kaliwa) sa maraming residente ng Barangay Indalawan na umaga pa lamang ay naghihintay na sa pagdating ng grupo ng PCSDS at ng mga eksperto sa buwaya. Sa nagdaang workshop patungkol sa buwaya nakaraang Abril, hiniling ni Hector na dumalo ang PCSDS sa mga barangay na apektado ng problema sa buwaya. Isa sa mga problema ng kanilang barangay ay ang kakulangan sa patubig sa mga bahay na siyang nag-uudyok sa kanilang tumungo sa ilog para maglaba o maligo bagama’t mapanganib dahil sa buwaya.
PAGTURO SA MGA BATA: Ipinapaliwanag ni Meljory Corvera ng Crocodylus Porosus Philippines Inc. (CPPI) sa mga estudyante ng Barangay Catagupan na bagama’t malaki ang sukat ng buwaya ay maliit lamang ang utak nito kaya’t hindi nito kayang makita ang pagkakaiba ng tao sa hayop. Ayon sa guro na nagtuturo sa Catagupan, kaklase ng mga estudyanteng ito ang batang babaeng namatay dahil sa pag-atake ng buwaya taong 2017 habang kumukuha ng kangkong sa tabing ilog.
MANATILING MAPAGMATYAG: Iniisa-isa ni PWRCC Technical Services Division Head Salvador Guion sa mga residente ng Salang ang mga dapat tandaan upang maiwasan ang possibleng pag-atake ng buwaya. Ibinahagi niya na ugaliing maging mapagmatyag sa paligid. Aniya, kulay pula ang mata ng buwaya kapag ito ay nasinagan ng flashlight sa dilim. Ngunit, ayon sa kanya, mas mainam na huwag nang lumabas sa gabi sa tabing ilog o pampang dahil nocturnal o aktibo sa gabi ang mga buwaya.
MANGINGISDA NG SALANG: Matapos ang halos trenta minuto ng pagbyahe sa karagatan mula sa publasyon, narating ng grupo ang Barangay Salang kung saan ang mga residente ay naghihintay upang pag-usapan ang kanilang problema sa buwaya. Bagama’t ang isa sa mga mangingisdang dumalo ay ama nang binatang naging biktima ng pinakahuling insidente ng pag-atake ng buwaya (una sa kaliwa), bukas-isipan siyang nakinig at sumali sa mga diskusyon patungkol sa buwaya. Aniya, takot nang humuli ng alimango at pumunta sa laot ang mga residente ng Salang sa gabi dahil sa mga nagdaang insidente.
MAGING LIGTAS, MAY BUWAYA: Matapos ang diskusyon patungkol sa buwaya sa mga apektadong barangay, nag-iwan ang PCSDS, DENR-PWRCC, CPPI, at iba pang mga katuwang na ahensya ng mga flyers, kalendaryo, at tarpaulins na nagsasaad ng mga paalala upang maging ligtas sa pag-atake ng buwaya.