HULI SA AKTO: BANGKANG KARGADO NG 171 SUNO

by | Oct 26, 2022

Isang daan at pitumpu’t isang (171)  Live Fish Suno (P. Leopardus), isang (1) Live Fish Suno (Red Cod), at isang (1) Live Fish Brown Marbled Grouper ang nahuling ibinabiyahe nang walang kaukulang permit sa nakalipas na operasyon na ikinasa ng PCSDS-Wildlife Trafficking Monitoring Unit (WTMU), Municipal Agriculturist Office (MAO), at PNP Taytay nitong ika-21 ng Oktubre, taong kasalukuyan sa So. Dinet at So. Calampiso, Barangay Casian, bayan ng Taytay, lalawigan ng Palawan.

Ito ay sa pamamagitan ng impormasyon na itinawag ng MAO sa isang Wildlife Trafficking Monitoring Officer na siyang nagmula naman sa isang concerned citizen. Ayon sa sumbong ng nasabing concerned citizen, talamak ang pagbibiyahe ng mga isdang Suno patungong Coron nang walang anumang permit mula sa kinauukulan.

Sakay ng bangka, agad na tinungo ng team ang So. Dinet, Barangay Casian, kung saan agad nilang nakita ang pinaghihinalaang bangkang kargado ng isdang Suno. Walang maipakitang anumang dokumento ang mga taong lulan ng bangka na nagpapatibay ng legal na pagtataglay at pagbibiyahe sa nasabing isda.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng MAO ang bangka at mga isda. Inihahanda na ang kaso laban sa mga tao sa likod ng paglabag na ito.

Ipinaaalahanan ng PCSDS ang publiko na ang anumang labag sa batas at iligal na pagtataglay ng wildlife species, flora man or fauna, ay mahigpit na ipinagbabawal at may karampatang kaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Mariing pinapayuhan ng PCSDS ang sinuman na nakakaalam ng anumang iligal na aktibidad kaugnay ang wildlife species na agad na magbigay ulat o tumawag sa  PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) hotline (TNT) 09319642128 at (TM) 09656620248, o sa PCSDS Front Desk hotline (Globe/TM) 0935-116-2336 at (Smart/TNT) 0948-937-2200. Maaari ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page.