





Setyembre 2026 – Lumahok ang Green Island Fisherfolks Association (GIFA) sa isinagawang Capacity Building/Training sa Fiberglass Boat Fabrication at Salt Production ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa ilalim ng proyektong “Building Climate Resilience and Sustainable Livelihoods in Green Island, Roxas, Palawan,” na pinondohan ng Department of Environment and Natural Resources – Foreign Assisted and Special Program Services (DENR-FASPS) at ipinatutupad ng PCSDS.
Layunin ng proyekto na matukoy at maipatupad ang mga climate-resilient livelihood options na maaaring makatulong sa mga komunidad sa isla na maging mas handa at mas matatag sa mga kalamidad at iba pang epekto ng climate change. Kabilang din sa pangunahing layunin ng proyekto ang pagbibigay ng pilot capacity building para sa mga natukoy na climate-resilient livelihood options. Kabilang dito ang Fiberglass Boat Fabrication, Salt Production, at Smoked Fish Processing.
Noong Setyembre 21–25, 2026, isinagawa ang training sa Fiberglass Boat Fabrication sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit of Roxas, sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMA), sa pangunguna ng OIC Municipal Agriculturist na si Albert V. Ladica. Nagsilbing trainers at resource speakers sa nasabing training sina Ginoong Tirso Trinidad at Ginoong Jomar Nario, mga technical staff ng OMA. Dinaluhan ang training ng mga piling miyembro ng GIFA, na siyang pangunahing beneficiary ng proyekto, sa pangunguna ng kanilang Presidente na si Ginoong Jebrel Ompad.
Kasunod nito, noong Setyembre 29–30, 2026, isinagawa naman sa Green Island ang Capacity Building/Training on Salt Production sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – MIMAROPA (BFAR MIMAROPA), sa pangunguna ni Ginang Lea A. Dagot.
Dumalo sa opening program ng nasabing training ang mga kinatawan ng Local Government Unit of Roxas, sa pangunguna ng Kagalang-galang na Mayor Pedy B. Sabando, kasama ang ilang department heads ng Munisipyo ng Roxas. Dumalo rin ang Punong Barangay ng Barangay Tumarbong, na siyang parent barangay ng Green Island, na si Kagalang-galang na Kapitan Raff Lance Gutierrez, kasama si Kagawad Oliver Perido, Committee on Environment.
Sa kanilang mga mensahe sa opening program, kapwa nagpahayag ng suporta sina Mayor Pedy B. Sabando at Kapitan Raff Lance Gutierrez sa pagpapatupad ng proyekto at sa pagkakapili sa Green Island bilang pilot site. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng mga programang naglalayong makatulong sa mga komunidad na higit na naaapektuhan ng climate change.
Ayon kay Mayor Sabando, napapanahon ang naturang programa dahil sa patuloy na nararanasang epekto ng climate change, partikular sa mga komunidad na umaasa sa mga yamang-dagat at iba pang kabuhayang sensitibo sa pagbabago ng kondisyon ng panahon at kapaligiran. Ipinahayag din niya ang kanyang pangako na susuportahan ng Local Government Unit of Roxas ang proyekto, kabilang ang pagbibigay ng paunang suporta para sa kinakailangang materyales at kapital para sa pagpapatuloy ng Fiberglass Boat Fabrication at pagsisimula ng Salt Production, upang makatulong sa matagumpay na pagpapatupad at pagpapatuloy ng mga livelihood activities sa Green Island.
Kasabay ng aktibidad, isinagawa rin ang Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), Local Government Unit of Roxas, Barangay Local Government Unit of Tumarbong, at Green GIFA. Layunin ng MOA na palakasin ang pagtutulungan at koordinasyon ng mga katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan, at mga benepisyaryo sa pagpapatupad ng proyekto. Itinakda rin sa kasunduan ang mga kaukulang tungkulin, responsibilidad, at counterpart ng bawat partido upang maging malinaw ang kanilang mga gampanin at matiyak ang maayos na pagpapatupad, pagpapatuloy, at pagkakaroon ng positibong resulta ng mga livelihood activities ng proyekto.
Sa huling bahagi ng programa, ipinresenta ang fiberglass boat na nabuo bilang output ng isinagawang training sa Fiberglass Boat Fabrication. Ang naturang bangka ay nagsilbing konkretong produkto ng kaalaman at kasanayang natutunan ng mga kalahok sa training at isa ring halimbawa ng maaaring maging livelihood support para sa mga benepisyaryo ng proyekto. Bago tuluyang matapos ang programa, isinagawa ang photo opportunity kasama ang mga kinatawan ng PCSDS, LGU Roxas, Barangay LGU Tumarbong, GIFA, at iba pang mga katuwang na naging bahagi ng aktibidad.
