“DUTURTLE”, IBINIGAY SA PANGANGALAGA NG PCSDS

by | Dec 7, 2022

Isang Southeast Asian Box Turtle ang ibinigay ng mga concerned citizens sa pangangalaga ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), umaga ng ika-7 ng Disyembre, taong kasalukuyan.

Ang naturang mga personalidad ay kinilala bilang sina John Melmark R. Echivarria at Alliah C. Ordoñez, kapwa residente ng Barangay Sicsican, Puerto Princesa City. Ayon sa kanilang salaysay, natagpuan nila ang pagong tatlong linggo na ang nakararaan. Habang binabaybay umano nila ang kahabaan ng national highway ng Sicsican, nakita nila ang pagong na tumatawid ng kalsada. Dahil sa awa at pangamba na ito ay masagasaan o malagay sa iba pang uri ng panganib, agad nila itong iniligtas at inaruga sa kanilang tahanan. Tumagal ng tatlong linggo ang pagong sa kanilang pangangalaga dahil sa simula ay hindi sila sigurado kung saang tanggapan dapat na dalhin ang nasabing hayop. Kalaunan, nadiskubre nila sa pamamagitan ng social media na ipinagbabawal ang pangangalaga nito at kasama ito sa mga endangered species. Kasabay nito, kanila ring napag-alaman na sa tanggapan ng PCSDS ito dapat na dalhin. Ayon pa sa kanila, dahil sa ilang linggo rin nilang nakasama ang pagong, napalapit na ito sa kanila at kanilang pinangalanan bilang “Duturtle”.

Ang natukoy na pagong ay may haba na 15.5 cm, lapad na 10.5 cm at bigat na 376 grams. Samantala, ito ay nakatakdang dalhin sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) para suriin ang kalagayan nito.


Ang Southeast Asian Box Turtle ay nakatalang “Endangered” species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 15-521.

Hinihimok ng PCSDS ang ating kababayan na nagkataong nakakita o nakahuli ng buhay ilang na mangyari po lamang na i-turn over sa aming tanggapan o hindi kaya ay tumawag sa aming hotlines sa pamamagitan ng mga numero ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) na 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM) o sa pamamagitan ng mga numero ng hotline ng PCSDS Front Desk na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ka ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para sa iyong mga alalahanin.