El Nido, Palawan — Arestado ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) enforcement team ang dalawang residente noong ika-28 ng Oktubre 2025 matapos silang matagpuang pumuputol ng puno gamit ang isang chainsaw na hindi rehistrado sa PCSD. Ang insidenteng ito ay itinuturing na paglabag sa Republic Act No. 9175 (Chain Saw Act of 2002).

Ang paghuli ay bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng PCSD laban sa ilegal na paggamit ng chainsaw na nagdudulot ng pinsala sa kagubatan at likas-yaman. Ang ginamit na chainsaw ay nakumpiska at kasalukuyang nasa kustodiya ng PCSD. Ang dalawang indibidwal naman ay nahaharap sa kasong kriminal sa Provincial Prosecutor’s Office kaugnay sa paglabag sa Section 7(4) ng RA 9175 (actual unlawful use of chainsaw).

Hinihikayat ng PCSD ang publiko na magparehistro at kumuha ng permit bago gumamit ng chainsaw. Ang pagsunod sa regulasyon ay proteksiyon hindi lamang sa kalikasan kundi pati na rin sa kabuhayan.