




Nitong Enero 28 hanggang 31, 2026 at Pebrero 4 hanggang 5, 2026, ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ay nakilahok sa pinalakas na community outreach ng Yugto ng Alaga, Kalinga at Aruga ng Pamahalaan (Y.A.K.A.P.) Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni PCSDS chairperson Gobernador Amy Roa Alvarez, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Information, Education, and Communication (IEC) campaign sa mga barangay ng Munisipalidad ng Roxas, Palawan. Ang Y.A.K.A.P. Program ay isinagawa sa labindalawang (12) barangay, kung saan kabilang sa mga aktibidad ang paghahatid ng iba’t ibang IEC campaigns ng mga katuwang na ahensya, tulad ng Provincial Anti-Drug Abuse Program (PADAP) at ng PCSDS.
Sa pamamagitan ng IEC campaign, ipinakilala ng PCSDS sa mga barangay ng Roxas ang Palawan Biosphere Reserve at ang mahahalagang papel nito sa pangangalaga at pagpapanatili ng isang malinis, ligtas, at malusog na kapaligiran. Tinalakay rin ang mga konsepto ng pangangalaga sa kalikasan, pagpapalago ng lokal na ekonomiya, at pagpapabuti ng kalagayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng sustainable development o likas-kayang pag-unlad. Kaugnay nito, isinagawa ang pagkalap, paghahanda, at pamamahagi ng kaalaman sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangang logistic support.
Bilang bahagi ng mga IEC activities, nabigyang-kaalaman ang mga kalahok, na binubuo ng mga opisyal at kawani ng barangay, hinggil sa Republic Act (RA) No. 7611 o Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan. Tinalakay ang mga layunin, estratehiya, programa, inisyatiba, at mga alituntunin ng nasabing batas na naglalayong pangalagaan ang kalikasan at tiyakin ang wastong paggamit ng likas-yaman sa loob ng Palawan Biosphere Reserve na ipinatutupad ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).
Ipinabatid din sa mga kalahok ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, partikular ang mga kaalaman hinggil sa mga uri at klasipikasyon ng mga threatened species, gayundin ang mga pinahihintulutan at ipinagbabawal na gawain kaugnay ng buhay-ilang, pati na ang mga kaukulang parusa sa ilalim ng batas.
Bukod dito, naihatid din sa mga barangay ang mga pinakahuling mga update at impormasyon hinggil sa West Philippine Sea, kabilang ang mga programa at aktibidad na isinasagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tulad ng PCSD at iba pang kasapi ng Area Task Force West Philippine Sea at ng Inter-Agency Task Force – Kalayaan Island Group – Technical Working Committee. Layunin ng mga inisyatibong ito na ipaglaban ang soberanya ng Pilipinas, tiyakin ang karapatan ng bansa sa pangangalaga, at wastong paggamit ng mga likas-yaman sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.
Ang Y.A.K.A.P ay naghatid rin ng mga sumusunod na serbisyo:
- Konsultasyong medikal, kasama ang pagbubunot ng ngipin at pamamahagi ng gamot at bitamina, hatid ng Provincial Health Office (PHO) at Municipal Health Office (MHO);
- Serbisyong beterinaryo, kasama ang pagbabakuna sa mga hayop laban sa Rabies, hatid ng Provincial Veterinary Office (PROVet);
- Libreng tuli hatid ng Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC);
- Libreng gupit hatid ng Philippine Marines;
- Oryentasyon at aplikasyon para sa scholarship hatid ng PGP Scholarship;
- Oryentasyon para sa paghingi ng medical assistance hatid ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO);
- Konsultasyon at pamamahagi ng vegetable seeds hatid ng Provincial Agriculture Office (PAO);
- Oryentasyon at aplikasyon sa Public Employment Services Office (PESO);
- Pagrerehistro ng mga Civil Society Organization;
- Serbisyong legal hatid ng PGP Legal Office;
- Profiling at pagrerehistro ng mga senior citizen hatid ng PSWDO at MSWDO;
- Aplikasyon para sa Birth Certificate at Marriage Contract ng Philippine Statistics Authority (PSA) hatid ng Municipal Civil Registrar’s Office (MCRO);
- Oryentasyon at aplikasyon para sa scholarship hatid ng TESDA;
- Pagpaparehistro sa Philhealth at Social Security System (SSS);
- Oryentasyon sa mga programa ng PGP Community Affairs Division (CAD);
- Oryentasyon at pamamahagi ng vegetable seeds hatid ng PGP Livelihood Project Management Unit;
- Pagrerehistro sa JCA Progress Movement (JPM); at
- Serbisyo ng AMY Action Center hatid ng Provincial Governor’s Office (PGO) Social Services.
Layunin ng programa na maihatid ang mga serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan at iba pang mga ahensya ng pamahalaan nang direkta sa mga mamamayan. Sa pamamagitan ng programang ito, naihatid ang mga kaukulang serbisyo na makatutulong sa mga mamamayan sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at pangangalaga sa kalikasan.









