IMG_6676

CLOSED SEASON, TAPOS NA!

Open season ipatutupad simula Setyembre 1

Nagtapos na nitong Myerkules, Agosto 31 ang closed season para sa reef-fish-for-food (RFF) sa Palawan, bilang bahagi ng implementasyon ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) Revised Admin Order No. 5, S. 2014.

Pinasalamatan ni PCSD Executive Director Nelson P. Devanadera ang lahat ng sumuporta sa naturang polisiya dahil naipatupad ito sa kabila ng pag-alma mula sa ilang grupo ng mga mangingisda, traders at exporters.

Ayon kay Devanadera, bilang ahensya na tungkuling isulong ang pangangalaga sa kalikasan kasabay ng pag-unlad, nanindigan ang PCSD na iimplementa ang polisiyang ito upang maging sustenable ang industriya ng RFF.

Matatandaang ang naturang industriya ay sinasabing maaaring mawala dahil lumalabas sa ilang pag-aaral at datos na papaunti nang papaunti ang huli ng RFF sa karagatan ng Palawan.

Ang RFF ay mga klase ng isda na galing sa bahura na ginagawang pagkain ng mga tao na binibenta, buhay man o patay. Saklaw ng nabanggit na polisiya ang tatlong uri ng RFF: suno (Plectropomus leopardus), loba (Epinephelus coioides) at lapung baboy (Epinephelus fuscoguttatus).

Ang unang closed season para sa taong ito ay ipinatupad mula Hunyo 16 hanggang Agosto 31. Samantala ang huli ay nakatakda namang ipatupad simula Oktubre 16 hanggang Disyembre 15.

Maaari namang maghuli, magbenta, magbyahe at magluwas ng RFF pagpasok ng open season sa Setyembre 1 hanggang Oktubre 15, at Enero 1 hanggang Hunyo 15.

Ngunit paaalala ng PCSD Staff-ECAN Regulation and Enforcement Division (PCSDS-ERED) na mag-renew o kumuha ng kaukulang mga permit dahil bagaman open season ay maaari pa rin magkaroon ng hulihan kapag hindi makapagpakita ng kaukulang mga dokumento.-K.A.S. FABRO

0 replies

Leave a Reply

Want to join the discussion?
Feel free to contribute!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *