CHERISH Fisherfolks Bumuo ng SBC Plans para sa Mas Epektibong Pangangalaga ng Kalikasan

by | Aug 3, 2026

Baon ng mga kasapi ng CHERISH Fisherfolks Fishermen Cooperative ang panibagong pananaw sa kung paano nila higit na mahihikayat ang kanilang mga kabarangay na makiisa sa pangangalaga ng kalikasan matapos ang Communication Planning Workshop 2026 na isinagawa ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), sa pamamagitan ng ECAN Education and Extension Division (EEED), noong Hulyo 22–24, 2026 sa Sitio Balintang, Barangay Isugod, Quezon, Palawan.

Sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa Strategic Environmental Plan (SEP) Law at iba pang kaugnay na batas, Gender and Development (GAD), Social and Behavior Change (SBC), cognitive bias, at iba pang konseptong may kaugnayan sa komunikasyon, nabigyan ang mga kasapi ng kooperatiba ng pagkakataong palawakin ang kanilang kaalaman at isaalang-alang ang mga prinsipyong ito sa pagbuo ng mga programang tumutugon sa aktuwal na kalagayan at pangangailangan ng kanilang komunidad. Ang sesyon sa Social and Behavior Change (SBC) ay pinangunahan ni Ms. Jackielyn S. Abela, Supervising Administrative Officer ng National Museum of the Philippines – Tabon Cave Complex, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pag-unawa sa mga salik na nakaaapekto sa pag-uugali ng tao bilang pundasyon ng epektibong komunikasyon.

Pinakamahalaga, sama-samang nakabuo ang mga kalahok ng mga Social and Behavior Change (SBC) Plans na magsisilbing gabay sa kanilang mga susunod na gawain bilang mga lider at miyembro ng komunidad. Layunin ng mga planong ito na hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan, pagsusulong ng likas-kayang kabuhayan, at pagpapanatili ng Palawan Biosphere Reserve.

Sa loob ng tatlong araw, natutuhan ng mga kalahok na ang pagbabago sa komunidad ay hindi lamang nagsisimula sa pagbibigay ng impormasyon. Higit na mahalaga ang pag-unawa sa mga salik na humuhubog sa kaalaman, pananaw, at pag-uugali ng mga tao upang makabuo ng mga mensaheng may kakayahang makahikayat ng positibong pagbabago para sa kinabukasan ng Palawan.