Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) ang buwaya na hinuli ng mga kawani ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at ng PWRCC sa Barangay Sebaring, Balabac, Palawan noong Enero 23, 2026.
Ang panghuhuli sa naturang buhay-ilang ay kasunod ng ulat kamakailan tungkol sa pag-atake ng isang buwaya sa isang lalaki sa nasabing lugar.
Ang buwayang nahuli ay may sukat na 10.9 ft. – sukat na pasok sa mga pamantayang kinukonsidera bago kunin ang buwaya mula sa kanyang natural na tahanan.
Inabot ng pitong (7) araw ang isinagawang pag-trap sa buwaya, bago pa ito tuluyang ibiniyahe gamit ang isang bangka patungo sa Buliluyan Port sa Bataraza. Gamit naman ang truck ng PCSDS Enforcement Team ay matagumpay itong nadala mula sa Bataraza patungo sa pasilidad ng PWRCC.
𝑻𝑨𝑵𝑫𝑨𝑨𝑵:
Ang crocodile attack ay isang seryosong isyu na nangangailangan ng maingat na pagharap. Mapanganib ang mga operasyon ng paghuli o pag-aalis ng buwaya, kaya’t huwag itong subukan nang walang gabay ng mga eksperto. Tanging ang PCSDS at mga eksperto mula sa PWRCC ang dapat magsagawa ng crocodile extraction.
Pinapayuhan din ang publiko na iwasan ang paglalakad, paliligo, o pangingisda sa mga lugar na may buwaya, at huwag magtapon ng mga patay na hayop o tira-tirang pagkain sa mga katubigan. Sundin ang mga babala at panuntunang pangkaligtasan.
Ang kaligtasan ng komunidad at ang kapakanan ng wildlife ay parehong prayoridad; sa anumang banta o panganib, agad na makipag-ugnayan sa PCSDS.
𝐏𝐂𝐒𝐃𝐒 𝐄𝐧𝐟𝐨𝐫𝐜𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭 𝐓𝐞𝐚𝐦 📱
Central – 09513208791
South – 09169546919
North – 09125753527
Calamian – 09076605619




















