Barangay Teneguiban at Sibaltan, Aktibong Nakiisa sa IEC Activity

by | May 8, 2026

EL NIDO, Palawan — Masigla at interaktibo ang pakikilahok ng mga residente mula sa Barangay Teneguiban at Sibaltan sa isinagawang Information, Education and Communication (IEC) activity noong Abril 30, 2026, na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman at kamalayan sa mga usaping pangkalikasan at responsableng pamamahala ng likas-yaman.

Sa pagtutulungan ng mga kinatawan mula sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) – ECAN Education and Extension Division (EEED), matagumpay na naisagawa ang IEC activity kung saan aktibong nakibahagi ang mga kawani ng barangay, kabataan, at mga residente sa mga talakayan ukol sa Gender and Development (GAD), Republic Act No. 7611 (Strategic Environmental Plan for Palawan Act), Palawan Biosphere Reserve, Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act), Republic Act No. 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), at Republic Act No. 9175 (Chainsaw Act).

Ang nasabing talakayan ay naging mas makabuluhan dahil sa mga palitan ng pananaw kung saan malayang nakilahok ang mga partisipante sa pamamagitan ng pagtatanong, pagbabahagi ng sariling karanasan, at pagpapahayag ng mga obserbasyon hinggil sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas at sa aktwal na kalagayan ng kanilang mga komunidad. Sa pamamagitan nito, higit na naging malinaw ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos at pakikilahok ng komunidad sa pangangalaga sa kapaligiran at pagsusulong ng mahusay na pamamahala sa mga likas na yaman

Ang tanggapan ng PCSDS ay bukas sa patuloy na pagsasagawa ng IEC activities sa iba pang mga komunidad. Para sa mga nais mag-request ng IEC campaign o karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa 0954-108-8589 o sa Facebook Page na ito.