Apat na Matsing Nasagip ng PCSDS, PGP-PSC at Western Naval Command

by | Feb 3, 2026

Apat (4) na matsing o Long-tailed Macaque ang nasagip sa pagtutulungan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) – Enforcement Team, Provincial Government of Palawan – Peace and Security Cluster (PGP-PSC) at Western Naval Command noong Ikalawa ng Pebrero, 2026 sa Bayan ng Aborlan, Palawan.

Nag-ugat ang operasyon mula sa isang ulat sa enforcement hotline ng PCSDS ng isang residente ng Brgy. San Juan, Aborlan na hiniling na saklolohan ang isang (1) matsing na nasa kaniyang pangangalaga. Matapos makumpirma ang ulat ay agad namang sinagip ang naturang matsing.

Samantala ay ipinagpatuloy ng Enforcement Team ang operasyon sa katabing Barangay ng Isaub na nagresulta sa pagkakasagip ng tatlo (3) pang matsing na nasa ilegal na pagmamay-ari ng dalawa pang residente na walang naipakitang Certificate of Wildlife Registration.

Sa kabuohan, 4 na matsing ang nasagip sa Bayan ng Aborlan na nasa pangangalaga na ngayon ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) at kasalukuyang dumadaan sa medikal at pisikal na eksaminasyon at mandatory quarantine protocols.

Ang mga nasagip na buhay ilang ay isasailalim sa matagalang rehabilitasyon at maari lamang maibalik sa natural nitong tahanan matapos ang masusing assessment.

Pinaaalalahanan ang publiko na ilegal ang pagmamay-ari ng buhay-ilang, tulad ng Long-tailed Macaque, nang walang kaukulang pahintulot at mga dokumento mula sa PCSD at ang pagkuha ng mga ito mula sa natural nitong tahanan ay may masamang epekto sa ating ecological balance.

Makikita sa naging matagumpay na operasyon ang halaga ng suporta at pakikipagtulungan ng komunidad upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga buhay-ilang at inaasahan ng PCSDS-Enforcement Team ang pakikipagtulungan ng lahat.

Mananatiling bukas ang mga sumusunod na linya para sa inyong mga ulat at sumbong:

Central – 0951 320 8791

South – 0916 954 6919

North – 0912 575 3527

Calamian – 0907 660 5619