145 𝑷𝒊𝒓𝒂𝒔𝒐 𝒏𝒈 𝑰𝒍𝒆𝒈𝒂𝒍 𝒏𝒂 𝑻𝒓𝒐𝒔𝒐 𝒔𝒂 𝑬𝒍 𝑵𝒊𝒅𝒐, 𝑲𝒖𝒎𝒑𝒊𝒔𝒌𝒂𝒅𝒐 𝒏𝒈 𝒎𝒈𝒂 𝑨𝒘𝒕𝒐𝒓𝒊𝒅𝒂𝒅

by | Jan 19, 2026

Sanib-puwersang operasyon laban sa ilegal na pagtitistis ng tabla ang isinagawa ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) – Wildlife Enforcement Team North at Special Operation Team, katuwang ang Provincial Government of Palawan sa pamamagitan ng Peace and Security Cluster, noong Enero 18, 2026 sa Sitio Danat, Barangay Manlag, El Nido, Palawan.

Natagpuan ang mga tinistis na tabla ng Apitong at Amugis na nakaimbak sa harapan ng kaniyang tirahan. Kabuoang 145 piraso, na may tinatayang bolyum na 1,471 board feet ang nakumpiska, at dahil walang naipakitang lehitimong permit, ito ay itinuturing na paglabag sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Agad na isinuko ang lahat ng nasamsam sa PCSDS Evidence Custodian para sa dokumentasyon at wastong pag-iimbak.

Patuloy na pinaaalalahanan ng PCSDS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol, pag-aari, at pagbebenta ng mga produktong-gubat nang walang kaukulang permit. Hinihikayat din ang lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pangangalaga ng likas-yaman ng Palawan at huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa PCSDS Enforcement Team sa mga sumusunod na numero:

Central – 0951 320 8791
South – 0916 954 6919
North – 0912 575 3527
Calamian – 0907 660 5619