𝗦𝘂𝗴𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗶𝗻𝗴𝗳𝗶𝘀𝗵𝗲𝗿 𝘀𝗶𝗻𝗮𝗴𝗶𝗽 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘄𝗮𝗻𝗶 𝗻𝗴 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲, 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝗻𝗴𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗖𝗦𝗗𝗦

by | Sep 19, 2025

Ika-19 ng Setyembre 2025, inihatid ni Ginoong Nathaniel Regla, kawani ng Puerto Princesa City Health Office, ang isang sugatang White-Collared Kingfisher (𝑇𝑜𝑑𝑖𝑟𝑎𝑚𝑝ℎ𝑢𝑠 𝑐ℎ𝑙𝑜𝑟𝑖𝑠) sa tanggapan ng PCSD.

Alas-onse ng umaga, habang nagsasagawa ng mosquito fogging sa Antonio Baustista Air Base (570th Air Base Wing), ay namataan ni G. Regla ang ibon na palukso-lukso sa lupa at nakabuka ang isang pakpak. Sa paghihinuhang sugatan ang ibon, ay kanya itong sinagip at dinala sa tanggapan ng PCSD.

Ang White-Collared Kingfisher ay isang generalist species na, sa kabila ng pangalan nito, ay hindi lamang isda ang kinakain kundi maging mga insecto, gagamba, uod at iba pang maliliit na hayop; kaya madalas din itong makita sa mga matataong lugar. Bagaman hindi nakatala sa listahan ng threatened species ng PCSD, mahalaga na anumang uri ng buhay-ilang, tulad ng White-Collared Kingfisher, ay ating iniiingatan at pinangangalagaan.

Sa pagsagip sa ibon ay pinatunayan ni G. Regla ng City Health Office ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan, hindi lamang ng mga mamamayan, kundi pati ng ating mga buhay-ilang at ng kalikasan.

Sakaling may matagpuang buhay-ilang na nasa delikadong sitwasyon, huwag mag-atubiling dalhin ito sa PCSDS, o kaya naman ay makipag-ugnayan sa Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128 / 0965 662 0248, at maari ding magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng PCSD para sa agaran at tamang aksiyon.