𝗣𝗖𝗦𝗗𝗦 𝗧𝘂𝗿𝗻-𝗼𝘃𝗲𝗿: 𝗔𝘀𝗶𝗮𝗻 𝗣𝗮𝗹𝗺 𝗖𝗶𝘃𝗲𝘁 𝗼 𝗠𝘂𝘀𝗮𝗻𝗴

by | Mar 29, 2023

 Umaga ngayong araw nang ibigay sa pangangalaga ng PCSDS ang isang Asian Palm Civet (Paradoxurus hermaphroditus) o mas kilala bilang musang ng ilang mga Criminology and Biology Students mula sa Palawan State University, Puerto Princesa City. 

Nakilala ang mga estudyante bilang sina Earl Jezreel Masagca, Albert Calalin, at Alciena Alpad. Kasama nila ang kanilang propesor sa Zoology na si Ms. Jean Marie Diego. Ayon sa salaysay ni Earl,  mga alas-nueve hanggang alas-diez nitong nagdaang gabi nang may marinig silang kaluskos sa loob ng kanilang kusina. Nang usisain ni Earl kung saan ito nagmula, nakita niya ang pusa kasama ang isang musang. Sa una ay hindi nila alam ang kanilang gagawin kung kaya’t kanilang tinawagan ang kanyang guro sa Zoology na si Ms. Diego. Agad naman itong nagtungo sa kanilang tahanan. Katulong ng kanyang boardmate na si Albert, matagumpay nilang nahuli ang nasabing musang.

Mensahe naman ni Earl sa iba pang kabataan na maaaring makatagpo ng isang wildlife species na agad itong i-turn over sa PCSDS upang mabigyan ng kaukulang aksyon. 

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ito ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) at nakatakdang pakawalan sa natural nitong tahanan. 

Hinihimok ng PCSDS ang ating kababayan na nagkataong nakakita o nakahuli ng buhay ilang na mangyari po lamang na i-turn over sa aming tanggapan o hindi kaya ay tumawag sa aming hotlines sa pamamagitan ng mga numero ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) na 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM) o sa pamamagitan ng mga numero ng hotline ng PCSDS Front Desk na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ka ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para sa iyong mga alalahanin.