𝗣𝗖𝗦𝗗𝗦, 𝗡𝗔𝗚𝗦𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔 𝗡𝗚 𝗩𝗔𝗟𝗜𝗗𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗔𝗧 𝗔𝗦𝗦𝗘𝗦𝗦𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗞𝗔𝗨𝗚𝗡𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗖𝗥𝗢𝗖𝗢𝗗𝗜𝗟𝗘 𝗔𝗧𝗧𝗔𝗖𝗞 𝗜𝗡𝗖𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗟𝗔𝗕𝗔𝗖, 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡

by | Feb 9, 2026

𝐄𝐧𝐞𝐫𝐨 17–19, 2026 | 𝐁𝐚𝐥𝐚𝐛𝐚𝐜, 𝐏𝐚𝐥𝐚𝐰𝐚𝐧 – Nagsagawa ng validation at assessment ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), katuwang ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) at mga kawani ng Brgy. Sebaring, kaugnay ng insidente ng crocodile attack na naitala sa nasabing lokal noong ika-14 ng Enero.

Ang nasabing aktibidad ay naglalayon na i-beripika ang nangyaring insidente ng crocodile attack, alamin ang presensya ng mga buwaya sa lugar, at tukuyin ang mga angkop na pamamaraan upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad habang pinangangalagaan ang wildlife.

Ayon sa panayam sa mga kaanak ng biktima, naganap ang crocodile attack noong gabi ng Enero 14, 2026 sa bahagi ng baybaying malapit sa mga bakawan at komunidad. Natagpuan ang labi ng biktima kinabukasan sa parehong lugar. Ang salaysay na ito ay na-beripika rin sa pamamagitan ng testimonya ng mga residente, drone surveillance, at day and night spotting. Batay sa mga isinagawang hakbang na ito, nakumpirma ang presensya ng mga buwaya sa lugar.

Ayon sa resulta ng validation at assessment ng PCSDS Wildlife Rescue Team, tumugma ang insidente sa lahat ng limang (5) pamantayan para sa pag-aalis ng buwaya, batay sa mga patnubay na nakasaad sa DENR-BMB Technical Bulletin No. 2020-02:

1. Nakumpirma at napatunayang insidente ng crocodile attack;

2. Presensya ng buwayang may sukat na katumbas o higit sa 10 talampakan;

3. Lapit ng insidente sa pamayanan;

4. Pag-atake sa kabila ng angkop at de-kalidad na tirahan ng buwaya; at

5. Insidenteng naganap sa labas ng panahon ng pangingitlog at pagkapisa nito.

Bilang bahagi ng aktibidad, nagsagawa rin ang PCSDS ng Information, Education, and Communication (IEC) para sa mga residente ng barangay, kung saan tinalakay ang human-crocodile conflict, mga umiiral na batas at polisiya, mga pamantayan sa pag-alis ng nuisance crocodiles, at mga safety at avoidance measures upang maiwasan ang karagdagang insidente. Batay sa assessment, inirerekomenda ng PCSDS–PWRCC team ang agarang pagsasaalang-alang sa pag-alis ng nuisance crocodile sa barangay, alinsunod sa umiiral na mga protocol upang maiwasan ang panganib sa kaligtasan ng publiko habang pinananatili ang mga layunin ng wildlife conservation.

𝑻𝑨𝑵𝑫𝑨𝑨𝑵:

Ang crocodile attack ay isang seryosong isyu na nangangailangan ng maingat na pagharap. Mapanganib ang mga operasyon ng paghuli o pag-aalis ng buwaya, kaya’t huwag itong subukan nang walang gabay ng mga eksperto. Tanging ang PCSDS at mga eksperto mula sa PWRCC ang dapat magsagawa ng crocodile extraction.

Pinapayuhan din ang publiko na iwasan ang paglalakad, paliligo, o pangingisda sa mga lugar na may buwaya, at huwag magtapon ng mga patay na hayop o tira-tirang pagkain sa mga katubigan. Sundin ang mga babala at panuntunang pangkaligtasan.

Ang kaligtasan ng komunidad at ang kapakanan ng wildlife ay parehong prayoridad; sa anumang banta o panganib, agad na makipag-ugnayan sa PCSDS.

𝐏𝐂𝐒𝐃𝐒 𝐄𝐧𝐟𝐨𝐫𝐜𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭 𝐓𝐞𝐚𝐦 📱

Central – 09513208791

South – 09169546919

North – 09125753527

Calamian – 09076605619