

Setyembre 18, 2025 – Nagsagawa ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) District Management Division-North (DMD-North) ng Express Permitting Initiative para sa pagproseso ng Wildlife Collectors Permit (WCP) ng mga mangingisdang nangongolekta ng suno at iba pang yamang-dagat na saklaw ng PCSD Administrative Order (AO) No. 05 at AO No. 12 sa Bayan ng Roxas, Palawan, bilang bahagi ng Civil Service Month.
Layunin ng aktibidad na mapadali ang proseso ng pagkuha ng permit upang mahikayat ang mga mangingisda na gawing legal ang pangunguha ng suno at matiyak ang kanilang pagsunod sa umiiral na batas. Sa pamamagitan ng mas pinadaling proseso, natitiyak na ang pangangalap ng yamang-dagat ay mananatiling legal, responsable, at nakakatulong sa pangangalaga ng balanseng ekolohiya ng karagatan.
Bilang dagdag na tulong, ipinagkaloob din ang pag-waive o hindi pagbayad ng application fee para sa mga mangingisdang nag-a-apply ng permit mula sa PCSDS. Layunin nitong mas mahikayat ang mga mangingisda at kolektor na iproseso ang kanilang dokumento at masiguro ang pagsunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.
Sa kabuuan, 35 aplikasyon para sa WCP ang naaprubahan sa mismong araw, na nagbigay ng mabilis at episyenteng serbisyo para sa mga mangingisda sa Roxas.
Ayon sa DMD-North, mahalaga ang pagkakaroon ng kaukulang permit upang mapangalagaan ang yamang-dagat, maprotektahan ang mga nanganganib na uri ng isda at lamang-dagat, at masiguro ang patuloy na kabuhayan ng mga mangingisda. Ang mga probisyon sa PCSD AO 05 at AO 12 ay naglalayong tiyakin ang maayos na pamamahala at konserbasyon ng marine species na likas na yaman ng Palawan.
Hinimok din ng PCSDS DMD-North ang lahat ng mangingisda at kolektor na patuloy na sumunod sa regulasyon upang mapanatiling ligtas at masagana ang yamang-dagat ng lalawigan para sa mga susunod na henerasyon, habang pinapangalagaan ang kabuhayan ng kasalukuyang komunidad.




