


Enero 29, 2026 | Lungsod Puerto Princesa — Isang nanghihinang agila ang iniulat ni G. Federico Martinez Jr., residente ng Brgy. Luzviminda, sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Ayon kay G. Martinez Jr., natagpuan niya ang naturang agila na nanghihina sa kanilang bakuran. Dahil dito, napagpasiyahan niya umanong alagaan pansamantala upang pakainin bago iparating o ireport sa mga kinauukulan.
Nang puntahan ng PCSDS Wildlife Rescue Team ang agila, nakumpirma na isa itong White-bellied Sea Eagle — kabilang sa mga “Endangered Species,” o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos alinsunod sa PCSD Resolution No. 23-967.
Kasalukuyang sumasailalim sa pangangalaga at rehabilitasyon ang agila sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) para sa masusing pagsusuri at angkop na paggamot. Nagpapasalamat naman ang PCSDS kay G. Martinez Jr. sa kaniyang agarang pagkilos at pagmamalasakit sa buhay-ilang.
Muling pinapaalalahanan ng PCSDS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pag-aalaga, at pagbebenta ng anumang buhay-ilang nang walang kaukulang permit, batay sa Batas Republika Blg. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Hinihikayat din ang sinumang makakita o makasagip ng buhay-ilang na nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan agad sa PCSDS-Wildlife Rescue Team o magpadala ng mensahe sa opisyal na PCSD Facebook Page para sa agarang tugon.
Narito ang mga numero ng PCSDS Enforcement Team para sa mga ulat tungkol sa buhay-ilang:
𝑷𝑪𝑺𝑫𝑺 𝑬𝒏𝒇𝒐𝒓𝒄𝒆𝒎𝒆𝒏𝒕 𝑻𝒆𝒂𝒎:
Central – 0951 320 8791
South – 0916 954 6919
North – 0912 575 3527
Calamian – 0907 660 5619
