𝗠𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗹𝗮𝗻𝗼 𝗧𝘂𝗻𝗴𝗼 𝘀𝗮 𝗔𝗸𝘀𝘆𝗼𝗻: 𝗜𝗘𝗖 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲𝗿𝘀, 𝗛𝗮𝗻𝗱𝗮 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗜𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗠𝗴𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗽𝗮𝗻𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝗹𝗶𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻

by | Jul 9, 2026

𝗛𝘂𝗹𝘆𝗼 𝟲–𝟴❟ 𝟮𝟬𝟮𝟲 | 𝗣𝘂𝗲𝗿𝘁𝗼 𝗣𝗿𝗶𝗻𝗰𝗲𝘀𝗮 𝗖𝗶𝘁𝘆❟ 𝗣𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗻 — Muling nagsama-sama ang mga kinatawan ng PNP Reaction 166, Apostolic Vicariate of Puerto Princesa (AVPP), at Singles for Christ (SFC) sa tatlong araw na IEC Officers’ Training ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) na ginanap sa Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City. Bilang pagpapatuloy ng mga communication plans na kanilang nabuo noong 2025, lalo pang pinalakas ng pagsasanay ang kanilang kakayahan sa pagdidisenyo at pagpapatupad ng mga kampanyang pangkomunikasyon para sa pangangalaga ng kalikasan at likas-kayang pag-unlad. 

Sa unang araw, binalikan ng mga kalahok ang kanilang mga communication plans at pinalalim ang kanilang pag-unawa sa mahahalagang konsepto ng environmental communication at Social and Behavior Change (SBC). Mula sa mga aktuwal na isyung pangkapaligiran sa Palawan na inilahad ng PCSDS, sama-sama nilang sinuri ang mga suliranin at tinukoy ang mga pangunahing prayoridad sa pamamagitan ng dot voting. Nanguna ang ilegal na pangingisda, sinundan ng pagmimina, kaingin, at pagbaha. 

Sa ikalawang araw, pumili ang bawat organisasyon ng isang isyung pangkapaligiran na ka bibigyang-pansin sa kanilang kampanya. Pinili ng AVPP ang pagmimina, ng PNP Reaction 166 ang ilegal na pangingisda, at ng SFC ang pagbaha. Mula rito, masusing sinuri ng bawat grupo ang kanilang napiling isyu, tinukoy ang kanilang target audience, at inalam ang mahahalagang stakeholder na maaaring makatulong sa pagpapatupad ng kanilang mga inisyatiba. Ipinamalas din nila ang kanilang pagkamalikhain sa pamamagitan ng pagbuo ng mga slogan, awitin, at comic strip na magsisilbing mga kasangkapan sa pagpapalaganap ng kanilang mga mensahe sa komunidad. 

Sa huling araw, higit pang pinagtibay ng bawat grupo ang kanilang mga plano sa pamamagitan ng SWOT analysis. Sinubok din nila ang kanilang mga estratehiya sa pamamagitan ng IEC campaign walkthrough at pitching exercises, kung saan ipinakita kung paano epektibong maihahatid ang kanilang mga mensahe sa iba’t ibang sektor ng komunidad. 

Higit sa pagbuo ng mga plano, pinagtibay ng pagsasanay ang paniniwalang ang epektibong pangangalaga sa kalikasan ay nagsisimula sa malinaw na komunikasyon, aktibong pakikilahok ng komunidad, at sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor. Sa pamamagitan nito, mas magiging handa ang mga kalahok na magsulong ng mga kampanyang magbibigay ng positibong pagbabago sa kanilang mga komunidad katuwang ng PCSDS at mag-aambag sa pangmatagalang pangangalaga ng likas-yaman ng Palawan.