𝗜𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗘𝗻𝗱𝗮𝗻𝗴𝗲𝗿𝗲𝗱 𝗝𝘂𝘃𝗲𝗻𝗶𝗹𝗲 𝗦𝘂𝗻𝗱𝗮 𝗕𝗼𝘅 𝗧𝘂𝗿𝘁𝗹𝗲, 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗶𝗴𝘁𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝟳-𝘆𝗲𝗮𝗿 𝗼𝗹𝗱 𝗻𝗮 𝗯𝗮𝘁𝗮

by | Sep 5, 2025

Sa gitna ng isang abalang kalsada at konstruksiyon sa WESCOM Road, Lungsod Puerto Princesa, isang batang pitong taong gulang ang nagpakita ng malasakit sa kalikasan. Noong Setyembre 2, 2025, natagpuan ni Eryan Maristaza ang isang Juvenile Sunda Box Turtle na tila napadpad sa tabing-kalsada at nanganganib na masagasaan o masaktan.

Ayon sa kaniyang mga magulang, nagmakaawa si Eryan na huwag hayaang mapahamak ang pagong at agad nilang nadama ang takot at pag-aalala ng kanilang anak para sa buhay nito. Dahil dito, minabuti nilang dalhin ang natagpuang buhay-ilang sa tanggapan ng Kawanihan ng Sangguniang Palawan para sa Patuloy na Pag-unlad (PCSDS) upang mabigyan ng angkop na pangangalaga at atensiyong-medikal kung kinakailangan.

Ang Sunda Box Turtle o 𝘊𝘶𝘰𝘳𝘢 𝘤𝘰𝘶𝘳𝘰 ay kabilang na sa listahan ng Endangered Species, o mga buhay-ilang na nanganganib nang maubos sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967. Bunga nito, patuloy na pinaaalalahanan ng PCSDS ang lahat ng mamamayan na maging katuwang sa pagsagip at pangangalaga sa mga buhay-ilang ng Palawan.

Sakaling may matagpuang buhay-ilang na nasa delikadong sitwasyon, huwag mag-atubiling dalhin ito sa tanggapan ng PCSDS, o kaya naman ay makipag-ugnayan sa Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128 / 0965 662 0248, at maaari ding magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng PCSD para sa agaran at tamang aksiyon.