Enero 28, 2026 | Lungsod Puerto Princesa — Isang hindi rehistradong chainsaw ang nakumpiska ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), matapos mahuli ang isang indibidwal na aktuwal na gumagamit nito sa Barangay Sicsican, Lungsod Puerto Princesa.

Bandang 9:18 ng umaga, agad na rumesponde ang PCSDS Team Central kasunod ng natanggap na ulat hinggil sa hinihinalang ilegal na paggamit ng chainsaw sa nasabing lugar. Sa pagdating ng mga awtoridad, nadatnan ang aktuwal na operasyon ng chainsaw at agad na isinailalim sa beripikasyon ang mga sangkot.

Matapos ang pagsusuri, nabigo ang nasabing indibidwal na magpakita ng anumang lehitimong dokumento, partikular ang permit at rehistrasyon para sa ginagamit na chainsaw — isang malinaw na paglabag sa Batas Republika Blg. 9175 o Chainsaw Act of 2002, na nagtatakda ng mahigpit na regulasyon sa pagmamay-ari at paggamit ng naturang kagamitan.

Dahil dito, agad na kinumpiska ang chainsaw at dinala sa PCSDS Operation Center sa Barangay Irawan upang isailalim sa kustodiya ng Evidence Custodian para sa wastong pag-iingat at disposisyon.

Mahigpit na pinaaalalahanan ng PCSDS ang publiko na ang paggamit ng chainsaw nang walang kaukulang permit ay ipinagbabawal ng batas. Nananawagan din ang ahensiya na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan ng komunidad sa pag-uulat ng mga gawaing nagbabanta sa kagubatan upang maprotektahan at mapangalagaan ang likas-yaman ng Palawan.

Para sa mga ulat at kaugnay na alalahanin, makipag-ugnayan sa PCSDS Enforcement Team:

Central – 0951 320 8791
South – 0916 954 6919
North – 0912 575 3527
Calamian – 0907 660 5619