Enero 29, 2026 | Araceli, Palawan — Dalawang (2) yunit ng chainsaw na walang kaukulang Certificate of Registration at tatlong (3) piraso ng oversized na Suno ang nasabat ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Araceli, Palawan habang isinasagawa ang monitoring activities ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).

Sa Barangay San Jose de Oro, Araceli, namataan at kinumpiska ng PCSDS ang isang yunit ng chainsaw ng isang residente habang isinasagawa ang monitoring. Nabigo ang indibidwal na makapagpakita ng kinakailangang Certificate of Registration, dahilan upang agad itong kumpiskahin alinsunod sa Batas Republika Blg. 9175, o Chainsaw Act of 2002.

Gayundin, sa Barangay Sto. Niño, Araceli, isa pang yunit ng chainsaw ang nasabat sa kaparehong monitoring operation ng PCSDS. Ang naturang chainsaw ay nasa pagmamay-ari umano ng isang residente, na hindi rin nakapagpakita ng kaukulang rehistro.

Samantala, sa Barangay Poblacion, Araceli, tatlong (3) piraso ng oversized na Suno ang nasabat sa isang fishcage sa isinagawang regular compliance monitoring ng PCSDS katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng Local Government Unit – Araceli at Blue Alliance.

Ang insidente ay itinuturing na paglabag sa Administrative Order (AO) No. 5, o ang mga patakaran sa Reef-Fish-for-Food (RFF), na nagtatakda ng wastong sukat at pangangalaga sa yamang-dagat tulad ng Suno. Ang mga nakumpiskang isda ay agad namang pinakawalan at ibinalik sa kanilang natural na tirahan sa Langoy Marine Protected Area (MPA), Barangay Dagman, Araceli, Palawan.

Muling pinaalalahanan ng PCSDS ang publiko na ang paggamit ng chainsaw nang walang kaukulang rehistro at ang paglabag sa mga patakaran sa pangingisda ay may kaakibat na pananagutang legal, at patuloy ang ahensiya sa pagsasagawa ng monitoring at enforcement operations upang maprotektahan ang likas-yaman ng Palawan.

PCSDS Enforcement Team:

Central – 0951 320 8791

South – 0916 954 6919

North – 0912 575 3527

Calamian – 0907 660 5619