𝗗𝘂𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝗡𝗮𝘁𝗮𝗴𝗽𝘂𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗦𝗼𝗳𝗿𝗼𝗻𝗶𝗼 𝗘𝘀𝗽𝗮ñ𝗼𝗹𝗮, 𝗜𝘀𝗶𝗻𝗮𝗶𝗹𝗮𝗹𝗶𝗺 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝘀𝘂𝘀𝘂𝗿𝗶

by | Oct 19, 2026

Natanggap ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang ulat bandang alas-10:58 ng umaga noong Oktubre 17, 2026, matapos makita ng isang concerned citizen sa Facebook ang post tungkol sa isang dugong (𝘋𝘶𝘨𝘰𝘯𝘨 𝘥𝘶𝘨𝘰𝘯) na natagpuang wala nang buhay sa Sitio Mananap, Barangay Punang, Sofronio Española, Palawan. Agad na nakipag-ugnayan ang team sa lokal na awtoridad para sa beripikasyon at kaukulang pagsusuri.

Isinagawa ang necropsy o pagsusuri sa bangkay ng dugong sa pangunguna ni Lt. Ned Cassey B. Tablac, beterinaryo ng Philippine Coast Guard, sa tulong ng mga Wildlife Enforcement Officer (WEO) ng PCSDS.

Sa paunang pagsusuri, nakitaan ang dugong ng mga pinsalang posibleng may kaugnayan sa trauma at maaaring naaayon sa mga pinsalang dulot ng paggamit ng dinamita sa pangingisda. Gayunman, hindi pa kumpirmado ang sanhi ng pagkamatay nito. Kumuha rin ng mga specimen mula sa bangkay para sa pagsusuri sa laboratoryo upang makatulong sa pagtukoy ng posibleng sanhi ng pagkamatay.

Matapos ang pagsusuri, inilibing ang bangkay sa tulong ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at mga opisyal ng Barangay Punang. Isasama sa pinal na ulat ang mga resulta ng laboratoryo kapag nakumpleto na ang pagsusuri.

Ang dugong ay isang marine mammal na mahalaga sa kalusugan ng mga ekosistemang-dagat. Nakalista ito bilang Critically Endangered species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967, kaya mahalaga ang wastong pagtugon at dokumentasyon sa mga insidenteng kinasasangkutan nito.

Muling hinihikayat ang publiko na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang mga natatagpuang patay, nasugatan, o nanganganib na buhay-ilang upang mabigyan ang mga ito ng angkop na pagtugon at maisagawa ang kinakailangang pagsusuri at dokumentasyon.

𝗣𝗖𝗦𝗗 𝗘𝗻𝗳𝗼𝗿𝗰𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗧𝗲𝗮𝗺:
Smart/Sun: 09319642128
Globe: 09169646919
Land line: (048) 726-6627