𝗗𝘂𝗴𝗼𝗻𝗴, 𝗡𝗮𝘁𝗮𝗴𝗽𝘂𝗮𝗻𝗴 𝗪𝗮𝗹𝗮 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗕𝘂𝗵𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗟𝘂𝗻𝗴𝘀𝗼𝗱 𝗻𝗴 𝗣𝘂𝗲𝗿𝘁𝗼 𝗣𝗿𝗶𝗻𝗰𝗲𝘀𝗮

by | Oct 14, 2026

Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaking dugong (𝘋𝘶𝘨𝘰𝘯𝘨 𝘥𝘶𝘨𝘰𝘯) sa baybayin ng Barangay Binduyan, Puerto Princesa City, noong Oktubre 8, 2026.

Agad namang nagsagawa ng pagsusuri at necropsy ang mga kinauukulang ahensiya upang matukoy ang posibleng sanhi ng pagkasawi nito.

Batay sa ulat, unang namataan ng mga mangingisda ang buhay na dugong bandang alas-7:30 ng umaga at ginabayan ito patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat. Gayunman, muli itong nakita sa lugar nang araw ding iyon, ngunit wala na itong buhay.

Sa isinagawang necropsy ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), Philippine Coast Guard, at mga lokal na opisyal, natukoy ang panloob na pagdurugo bilang sanhi ng pagkamatay ng dugong. Mayroon ding mga sugat at peklat sa katawan nito, bagaman hindi natukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa pagkamatay ng buhay-ilang.

Matapos ang pagsusuri at dokumentasyon, isinagawa ng mga kinauukulan ang wastong disposisyon ng labi ng dugong.

Ang dugong ay kabilang sa listahan ng Critically Endangered Species, o mga buhay-ilang na malapit nang maubos, alinsunod sa PCSD Resolution No. 23-967.

Kaya muling ipinapaalala sa publiko na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang mga nakitang ligaw na buhay-ilang na nasugatan, nanghihina, o napadpad sa baybayin upang mabigyan ang mga ito ng angkop na tugon at pangangalaga.

𝗣𝗖𝗦𝗗 𝗘𝗻𝗳𝗼𝗿𝗰𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗧𝗲𝗮𝗺:

Smart/Sun: 09319642128

Globe: 09169646919

Land line: (048) 726-6627