𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: 𝐌𝐆𝐀 𝐆𝐈𝐀𝐍𝐓 𝐂𝐋𝐀𝐌 𝐒𝐇𝐄𝐋𝐋𝐒 𝐍𝐀 𝐍𝐀𝐓𝐀𝐆𝐏𝐔𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝐁𝐀𝐘𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐋𝐀𝐁𝐀𝐂, 𝐍𝐀𝐈-𝐓𝐔𝐑𝐍𝐎𝐕𝐄𝐑 𝐍𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐂𝐒𝐃

by | Feb 23, 2024

Ganap na ala-una ng hapon kahapon, February 22, nai-turnover na sa Palawan Council for Sustainable Development ang mga fossilized giant clam shells o taklobo na natagpuan sa bayan ng Balabac, Palawan. Matatandaang 336 piraso ng mga nasabing shells ang narekober ng Philippine Coast Guard sa dalampasigan ng Sebaring Island sa nasabing munisipyo noong February 14.

Kasunod ng muling pagbisita ng PCG sa Sebaring kahapon, naiturnover sa PCSD ang mga narekober na taklobo at naibigay ang temporary custody ng mga ito sa barangay officials ng nasabing lugar. Ayon sa Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU) na naka-assign sa lugar, maliban sa Sebaring ay may mga nakabaon ding mga taklobo sa mga kalapit nitong isla.

Kaugnay nito, lumalabas na ibinaon na lamang ng mga komunidad ang mga dating nakolektang taklobo matapos na makapagsagawa ang PCSD ng information, education, and communication (IEC) activity noong 2021 na nagbibigay impormasyon sa kahalagahan ng mga taklobo sa marine ecosystems at ang mga maaaring kaharaping parusa ng sinumang lalabag sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Base sa impormasyon, inanod ng malalakas na alon nitong mga nakaraang buwan ang mga buhangin kung saan nakabaon ang mga taklobo dahilan upang lumitaw muli ang mga ito at nai-report sa PCG.

Sa kasalukuyan, patuloy na biniberipika ng PCSDS ang mga impormasyong nakalap patungkol sa pangyayari. Samantala, pinaaalalahanan ang publiko na ang pagmamay-ari at pagbebenta ng wildlife species tulad ng mga taklobo ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas. Maaaring makipag-ugnayan sa PCSDS Wildlife Enforcement Unit sa 0931 964 2128 at 0965 662 0248.