Ganap na ala-una ng madaling araw nitong ika-24 ng Agosto, nagsagawa ng enforcement operation ang PCSDS Enforcement Team sa Sitio Pulang Lupa, Brgy. Montible, Puerto Princesa City bunsod ng malawakang ilegal na pagpuputol ng kahoy sa nasabing barangay. Kaugnay nito, naaktuhan ng PCSDS Enforcement Team ang aktwal na pamumutol ng mga kahoy-gubat na tinatayang nasa mahigit isang ektarya na ang nasasakop at humigit-kumulang isandaang mga puno ang naitutumba.
Base sa imbestigasyon, kabilang ang mga ipil at apitong sa mga kahoy na pinutol ng mga ilegalista. Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PCSDS Enforcement Team sa nasabing lugar upang mapanagot ang sinumang may kinalaman sa nasabing ilegal na gawain.
Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na ang hindi rehistradong paggamit ng chainsaw at iba pang kaugnay na gawaing tulad nito ay mahigpit na ipinagbabawal ayon sa Batas Republika Blg. 9175 o Chainsaw Act of 2002. Dagdag pa rito, ang pamumutol ng mga kahoy-gubat tulad ng apitong at ipil ay mahigpit ring ipinagbabawal ayon sa Batas Republika Blg. 9147 o Wildlife Act. Mariing pinaalalahan ang lahat ng mga chainsaw operators at iba pang nagnanais na magmay-ari ng chainsaw na dumaan sa tama at legal na proseso upang mairehistro ang inyong mga chainsaw units at mabigyan ng kaukulang mga permits ayon sa layunin ng inyong pagmamay-ari sa mga ito.
Sakaling may mapag-alaman na kaparehong aktibidad sa inyong barangay, maaaring makipag-ugnayan sa mga numerong 0931 964 2128 at 0965 662 0248.