𝐒𝐔𝐆𝐀𝐓𝐀𝐍𝐆 “𝐃𝐔𝐍𝐆𝐎𝐍” 𝐈𝐒𝐈𝐍𝐀𝐈𝐋𝐀𝐋𝐈𝐌 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐍𝐆𝐀𝐍𝐆𝐀𝐋𝐀𝐆𝐀 𝐀𝐓 𝐑𝐄𝐇𝐀𝐁𝐈𝐋𝐈𝐓𝐀𝐒𝐘𝐎𝐍

by | Sep 18, 2026

𝗦𝗲𝘁𝘆𝗲𝗺𝗯𝗿𝗲 𝟭𝟯, 𝟮𝟬𝟮𝟲 | 𝗣𝘂𝗲𝗿𝘁𝗼 𝗣𝗿𝗶𝗻𝗰𝗲𝘀𝗮 𝗖𝗶𝘁𝘆, 𝗣𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗻 — Agad na kumilos ang PCSDS Wildlife Enforcement Team matapos makatanggap ng ulat tungkol sa isang sugatang adult male na Asian Small-Clawed Otter (𝘈𝘰𝘯𝘺𝘹 𝘤𝘪𝘯𝘦𝘳𝘦𝘶𝘴), o “Dungon”, na idinala ng isang concerned citizen sa DENR Checkpoint sa Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa City.

Ayon sa ulat, natagpuan ang dungon sa isang highway sa Barangay Tagburos bandang 7:00 ng gabi noong Setyembre 12, matapos umanong mabundol ng sasakyan. Napansin itong nahihirapang igalaw ang dalawang hulihang paa kaya agad itong dinala sa DENR outpost para sa pansamantalang pangangalaga at kaukulang koordinasyon.

Sa paunang pagsusuri ng PCSDS Wildlife Enforcement Team, napansin ang limitadong paggalaw sa likurang bahagi ng katawan ng dungon. Nakipag-ugnayan din ang team kay Dr. Glenn Rebong, on-call veterinarian ng PCSDS, para sa karagdagang pagsusuri. Inirekomenda niyang huwag muna itong pakawalan dahil maaaring mayroon itong internal injuries na hindi agad nakikita sa panlabas na pagsusuri.

Dahil dito, maingat na dinala ng team ang dungon sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) para sa karagdagang pagsusuri, gamutan, obserbasyon, at rehabilitasyon. Patuloy namang imo-monitor ng PWRCC ang kondisyon nito bago isagawa ang susunod na hakbang, kabilang ang posibleng pagbabalik nito sa angkop na natural na tirahan kapag tuluyan nang nakarekober.

Ang Asian Small-Clawed Otter ay kabilang sa mga Endangered species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967, kaya mahalaga ang wastong pagtugon at pangangalaga sa bawat insidente na kinasasangkutan nito.

Ang insidenteng ito ay nagpapakita na ang maagap na pag-uulat at maayos na koordinasyon ay mahalaga sa agarang pagtugon sa mga kaso ng wildlife na nangangailangan ng agarang aksyon.

𝐓𝐀𝐍𝐃𝐀𝐀𝐍:

Hinihikayat ang publiko na huwag balewalain ang mga wildlife na natatagpuang sugatan, nanganganib, o nangangailangan ng tulong. Sa halip, agad itong i-report o i-turnover sa mga kinauukulang awtoridad upang mabigyan ng wastong pangangalaga at kinakailangang tulong.

𝐏𝐂𝐒𝐃𝐒 𝐄𝐧𝐟𝐨𝐫𝐜𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭 𝐓𝐞𝐚𝐦 📱

Central – 09319642128

South – 09169546919

North – 09125753527

Calamian – 09076605619