
HUWEBES 16 Marso 2023 – Umaga ngayong araw nang ibigay sa pangangalaga ng PCSDS ang isang Asian Palm Civet (Paradoxurus hermaphroditus) o mas kilala bilang musang ng isang concerned citizen mula sa Barangay Mangingisda, Puerto Princesa City.

Ayon sa salaysay ng nasabing personalidad na nakilala bilang si Jimmy Bayking, nangyari ang insidente bandang ala-sais kaninang umaga habang siya ay nasa kanyang pinagtatrabahuhan sa Wescom Road. Dagdag niya, nakita niyang tumatakbo ang musang sa kanilang bakuran habang ito ay hinahabol ng dalawang aso. Sa kanyang pag-aalala, agad niyang hinuli ito upang maligtas mula sa posibleng kapahamakan.
Naisipan ni Jimmy na dalhin ang musang sa tanggapan ng PCSDS matapos siyang payuhan ng kanyang kasamahan sa trabaho.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ito ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) at nakatakdang pakawalan sa natural nitong tahanan.
Hinihimok ng PCSDS ang ating kababayan na nagkataong nakakita o nakahuli ng buhay ilang na mangyari po lamang na i-turn over sa aming tanggapan o hindi kaya ay tumawag sa aming hotlines sa pamamagitan ng mga numero ng PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) na 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM) o sa pamamagitan ng mga numero ng hotline ng PCSDS Front Desk na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ka ring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para sa iyong mga alalahanin.