𝐄𝐧𝐝𝐚𝐧𝐠𝐞𝐫𝐞𝐝 𝐒𝐮𝐛-𝐚𝐝𝐮𝐥𝐭 𝐒𝐮𝐧𝐝𝐚 𝐁𝐨𝐱 𝐓𝐮𝐫𝐭𝐥𝐞, 𝐧𝐚𝐬𝐚𝐠𝐢𝐩 𝐦𝐮𝐥𝐚 𝐬𝐚 𝐩𝐚𝐧𝐠𝐚𝐧𝐢𝐛 𝐬𝐚 𝐤𝐚𝐥𝐬𝐚𝐝𝐚

by | Dec 2, 2025

Isang sub-adult Sunda Box Turtle (𝐶𝑢𝑜𝑟𝑎 𝑐𝑜𝑢𝑟𝑜) ang nailigtas at dinala ng isang concerned citizen sa tanggapan ng PCSDS nitong araw ng Disyembre 1, 2025.

Ayon kay Bb. Mae Kristine Mendoza, ang nagdala ng nasabing pagong, natagpuan niya ito sa gitna ng kalsada bandang 6:00 ng gabi, Nobyembre 30, 2025, habang nagmamaneho ng motorsiklo malapit sa isang laundry shop sa Pablico Rd., Brgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa.

Ikinuwento ni Bb. Mendoza na itinabi niya muna ang nasabing pagong — inilagay sa isang lalagyan, at binigyan ng dahon ng malunggay na makakain nito. Minabuti niyang dalhin ito sa tanggapan ng PCSD upang mailayo sa anumang kapahamakan sa lugar kung saan ito natagpuan.

“𝑁𝑎𝑔𝑚𝑜𝑚𝑜𝑡𝑜𝑟 𝑝𝑜 𝑎𝑘𝑜 𝑛𝑜𝑜𝑛 𝑚𝑎𝑙𝑎𝑝𝑖𝑡 𝑠𝑎 𝑙𝑎𝑢𝑛𝑑𝑟𝑦 𝑠ℎ𝑜𝑝. 𝑁𝑎𝑘𝑖𝑡𝑎 𝑘𝑜 𝑝𝑜 𝑠𝑖𝑦𝑎 (𝑝𝑎𝑔𝑜𝑛𝑔) 𝑛𝑎 𝑛𝑎𝑠𝑎 𝑔𝑖𝑡𝑛𝑎 𝑛𝑔 𝑘𝑎𝑙𝑠𝑎𝑑𝑎, 𝑘𝑎𝑦𝑎 𝑘𝑖𝑛𝑢ℎ𝑎 𝑘𝑜 𝑛𝑎 𝑝𝑜 𝑘𝑎𝑠𝑖 𝑘𝑎ℎ𝑖𝑡 𝑖𝑡𝑎𝑏𝑖 𝑘𝑜 𝑙𝑎𝑛𝑔 𝑝𝑜 𝑠𝑖𝑦𝑎 (𝑝𝑎𝑔𝑜𝑛𝑔) 𝑠𝑎 𝑔𝑖𝑙𝑖𝑑 𝑛𝑔 𝑘𝑎𝑙𝑠𝑎𝑑𝑎, 𝑚𝑎𝑝𝑎𝑛𝑔𝑎𝑛𝑖𝑏 𝑝𝑎 𝑟𝑖𝑛 𝑝𝑜 𝑎𝑛𝑔 𝑙𝑢𝑔𝑎𝑟 𝑝𝑎𝑟𝑎 𝑑𝑖𝑡𝑜.”

Ang Sunda Box Turtle o 𝐶𝑢𝑜𝑟𝑎 𝑐𝑜𝑢𝑟𝑜 ay kabilang na sa listahan ng Endangered Species, o mga buhay-ilang na nanganganib na maubos, alinsunod sa PCSD Resolution No. 23-967.

Kaugnay nito, patuloy na pinaaalalahanan ng PCSDS ang lahat ng mamamayan na maging katuwang sa pagsagip at pangangalaga sa mga buhay-ilang ng Palawan. Sakaling may matagpuang buhay-ilang na nasa delikadong sitwasyon, huwag mag-atubiling dalhin ito sa tanggapan ng PCSDS o makipag-ugnayan sa Wildlife Rescue Team sa numerong 0931 964 2128/0965 662 0248. Maaari ring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng PCSD para sa agarang at wastong aksiyon.