














𝗔𝗴𝗼𝘀𝘁𝗼 𝟭𝟭❟ 𝟮𝟬𝟮𝟲 | 𝗕𝗿𝗴𝘆。 𝗧𝗶𝗻𝗶𝗻𝘁𝗶𝗻𝗮𝗻❟ 𝗔𝗿𝗮𝗰𝗲𝗹𝗶❟ 𝗣𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗻 — Aktibong nakiisa ang ECAN Board, lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang sa komunidad ng Araceli sa isinagawang Training Needs Assessment (TNA) na pinangunahan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), sa pamamagitan ng ECAN Education and Extension Division (EEED).
Layunin ng TNA na pakinggan at matukoy ang mga pangangailangan ng mga lokal na katuwang sa pagsasanay kaugnay ng pagpapatupad ng mga programa at gawaing nagsusulong ng likas-kayang pag-unlad sa munisipalidad.
Sa isinagawang talakayan, nagbahagi ang mga kalahok ng kanilang mga karanasan, mungkahi, at pangangailangan sa karagdagang kaalaman ukol sa mga tungkulin ng ECAN Board, gayundin sa mga batas, patakaran, at Administrative Orders na ipinapatupad ng PCSD. Ang mga impormasyong nakalap mula sa mga kalahok ay magsisilbing mahalagang gabay sa pagbuo ng mga susunod na training at capacity-building activities na mas angkop sa aktuwal na kalagayan at pangangailangan ng Araceli.
Ibinahagi rin ng munisipalidad ang patuloy nitong mga hakbang sa pagpapalakas ng pangkalikasang pagpaplano at conservation initiatives, kabilang ang pagbuo ng resolusyon para sa pagkilala sa dugong at manta ray bilang flagship species ng Araceli. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, higit na napapalawak ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga yamang-dagat at likas-yaman ng munisipyo.
Sa pamamagitan ng TNA, nabigyang-diin ang mahalagang papel ng mga lokal na katuwang sa paghubog ng mga pagsasanay na tumutugon sa kanilang tunay na pangangailangan. Higit sa pagbibigay ng impormasyon, layunin ng gawaing ito na palakasin ang kaalaman, kakayahan, pakikilahok, at pagtutulungan ng komunidad tungo sa mas epektibong pangangalaga ng likas-yaman at pagsusulong ng likas-kayang pag-unlad sa Araceli.
